Si Pedro Abad Santos ay isang doktor, abogado, at lider manggagawa. Itinatag niya ang Partido Sosyalista ng Pilipinas noong 1929 at ang Aguman Ding Maldang Talapagobra noong 1930.


Isinilang siya noong 31 Enero 1876 sa San Fernando, Pampanga, panganay sa sampung anak nina Vicente Abad Santos at Toribia Basco. Kapatid siya ni Jose Abad Santos na naging punong mahistrado ng Korte Suprema ng Filipinas.


Nagtapos siya ng sekundarya sa Colegio de San Juan de Letran. Nag-aral siya ng medisina sa Unibersidad ng Santo Tomas. Matapos ang ilang taon, nag-aral naman siya ang abogasya.


Siya ay naging medyor ng hukbong Filipino, sa ilalim ni Hen. Maximino Hizon, noong Digmaang Filipino-Amerikano. Nahuli siya at nahatulan ng 25 taong pagkabilanggo dahil sa kaniyang pagkakasangkot sa gerilya. Nakalaya siya sa tulong ng Amerikanong abogado na si John Haussermann.


Noong 1906, pumasa siya sa bar examination at nagsimula ng kaniyang karera sa politika: naging justice of the peace ng kaniyang bayan mula 1907 hanggang 1909; konsehal ng kaniyang bayan mula Enero 1910 hanggang Marso 1912; kinatawan ng ikalawang distrito ng Pampanga sa Philippine Assembly noong 1916-1922; miyembro ng Philippine Independence Mission sa Estados Unidos, sa pamumuno ni Sergio Osmeña, noong 1922.


Noong 1926, naging undersecretary ng Department of Justice ang kapatid niyang si Jose habang natalo naman siya sa pagkagobernador sa Pampanga. Mula noon ay hindi na siyá naglingkod bilang opisyal ng pamahalaan.


Sa mga panahong iyon, sumama siya sa mga kaibigang sina Crisanto Evangelista, Antonio de Ora, at Cirilo Bognot para mag-aral sa Moscow, Russia.


Noong ika-26 ng Oktubre 1932, itinatag niya ang Partido Sosyalista ng Pilipinas. Nang sumunod na taon ay itinatag naman niya ang Aguman Ding Maldang Talapagobra na naglayong humingi ng reporma sa lupa at proteksiyon laban sa abuso ng mga nagmamay-ari ng lupa.


Noong 7 Nobyembre 1938 itinatag ang Partido Komunista ng Pilipinas at naihalal siya bilang bise presidente habang si Crisanto Evangelista ang naging pangulo at si Guillermo Capadocia naman ang naging pangunahing tagapangasiwa.


Noong 25 Enero 1942, hinuli siya ng mga Hapon kasama ang ibang lider ng bansa. Ikinulong siya sa Fort Santiago habang ang kaniyang kapatid na si Jose, na naging Punong Mahistrado ng Korte Suprema noong Disyembre 1941, ay pinatay ng mga Hapon.


Pinakawalan siya dahil sa sakit sa tiyan noong 1944. Sumama naman siya sa Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon (Hukbalahap) na itinatag ni Luis Taruc. Noong 15 Enero 1945, ikinamatay niya ang kaniyang sakit sa tiyan sa isang base ng gerilya sa Minalin, Pampanga.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: