Juan Araneta
Si Juan Araneta (Hu·wán A·ra·né·ta), kilala bilang Don Juan, ay lider sa Rebolusyong Negros. Isa rin siyang tagapanguna sa pagsasaka dahil sa pagdadala niya ng mga makabagong pamamaraang agrikultural sa bansa.
Isinilang siya noong 13 Hulyo 1852 sa Molo, Iloilo kina Romualdo Araneta at Agueda Torres. Lumipat ang mga Araneta sa Negros at doon na namalagi. Nag-aral siya ng Komersiyo sa Ateneo Municipal de Manila. Nang magbalik sa Molo, hinirang siya bilang Capitan del Pueblo. Naghinala sa kaniya ang mga fraile noon ngunit dahil sa mataas na respeto sa kaniya ng mga taumbayan ay hindi siya mapatalsik.
Noong 1891, matapos mamatay ng kaniyang asawa, ay nagpunta siya sa Europa kasama ang kaibigang si Don Caludio Reina. Nagkaroon siya ng pagkakataóng makilala ang mga lider na Filipino na nasa Madrid, London at Paris. Lalong nag-init ang mga fraile sa kaniya nang siya ay bumalik sa bansa. Inagaw ang kanilang lupa at kinailangan niyang dalhin sa Bundok Kanlaon ang kaniyang pamilya upang magsimula ng bagong sakahan.
Ang kaniyang mga paglalakbay sa Europa ang nagbukas sa kaniya sa mga makabagong kagamitang pang-agrikultura tulad ng sugar mill mula sa Inglatera na inilagay niya sa kaniyang asyenda sa Dinapalan, baler para sa abaca, rice thresher at iba pa. Naging mapaghinala ang mga awtoridad na Espanyol sa mga idinedeskarga sa kaniyang lupain sa Lumangub. Dinakip siya at dinala sa Concordia noong Enero 1897. Ipiniit siya sa Himamaylan, sa Ilog, na kabisera noon ng probinsiya, at saka sa Bacolod upang doon pakawalan noong Oktubre 1897.
Noong 5 Nobyembre 1898, naging matagumpay ang Rebolusyong Negros. Kasama si Heneral Aniceto Lacson bilang Presidente, siya ay naging Kalihim ng Digma sa itinatag na Republikang Negros. Nang dumating ang mga Amerikano sa Iloilo, ipinayo niyang sumunod ang Republika sa mga ito.
Noong 1904, isa siya sa mga naging komisyoner sa St. Louis Exposition. Itinanghal niya ang iba’t ibang klase ng bigas, kakaw, abaka, at iba pang ani mula Negros at Panay. Nagpatuloy siya sa pagpapaunlad ng agrikultura, sa kagamitan man o sa mga itinatanim. Isa siyá sa mga nagtatag ng Ma-ao Sugar Central.
Nagkaroon siya ng 25 anak sa apat na naging asawa na sina Celestina Diaz, Cristeta Sarmiento, Natalia Salsalida, at Juanita Camillarosa.
Namatay siya noong 3 Oktubre 1924 sa Negros Occidental.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Juan Araneta "