Ang Araneta Center ay ang sentro ng komersiyo sa Cubao, Lungsod Quezon, Kalakhang Maynila. May lawak itong 35 ektarya, at tinatáyang daan-daang libong katao ang bumibisita sa samot-saring opisina, pamilihan, tahanan, at pook-libangan dito araw- araw. Pinakatanyag sa mga gusali nitó ang Araneta Coliseum, ang pinakamalaking pook-libangan sa Asia na binuksan noong 1960 bílang pinakamalaking indoor arena sa buong mundo.

Binili ni J. Amado Araneta ang lupang binabakuran ng Epifanio De Los Santos Avenue (EDSA), Aurora Boulevard, P. Tuazon, at 15th Avenue, mula sa Radio Corporation of America noong 1952, at mula noon ay hawak na ito ng pamilyang Araneta.


Sinimulan ang paggawa sa Coliseum noong 1957, at si Dominador Lugtu ang nagsilbing arkitekto. Ang sahig nito ay sumasaklaw ng 23,000 metro kuwadrado.


Isang laban sa boksing ni Gabriel “Flash” Elorde para sa kampeonato ang nagpasinaya sa arena, at mula noon, iba’t ibang mahahalagang okasyon sa larangan ng isports at libangan ang ginanap dito. Ilan dito ang laban sa boksing nina Muhammad Ali at Joe Frazier na tinaguriang “Thrilla in Manila,” mga pandaigdigang laban sa basketbol, at konsiyerto ng mga sikat na musikero.


Mahigit isanlibong laro ng Philippine Basketball Association (PBA) ang naidaos na sa tinaguriang ”The Big Dome.” Depende sa okasyon, kayang magpaupo ng koloseo ng 15,000 hanggang 16,500 katao, at nadadagdagan ito ng mga táong nakatayô sa mga pilìng pagkakataón; halimbawa, maaaring umabot sa halos 24,000 katao ang nanonood sa mga laban para sa kampeonato sa basketbol.


Bukod sa Coliseum, matatagpuan din sa Araneta Center ang malalaking pamilihan tulad ng Ali Mall, Farmers Market, Farmers Plaza, Gateway Mall, at SM Cubao. Terminal din ito ng mga bus papuntang Timog Luzon, at nása paligid lámang ng sentro ang iba pang terminal ng bus papuntang Hilaga at Timog Luzon.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: