Bulkang Kanlaon
Ito ang pinakamataas na bulkan sa pulo ng Negros, may taas na 2,465 metro ang isa at 2,200 metro naman ang ikalawa. Aktibo o buhay ang una, ang Lugud crater, samantalang ang ikalawa, ang Margaja Valley ay isa nang lawa na dinadayo ng mga turista.
Ang bulkan ay may tatlong bukal na pinanggagalingan ng mainit na tubig na nasa dalisdisan nito, ang Mambucal Hot Spring, Bucalan Hot Spring, at Bungol Hot Spring. Bahagi ito ng tinatawag na “Negros Volcanic Belt” at kilala rin sa tawag na “Cuernos de Negros.” Marami ring talon ang nasa loob ng kagubatan ng Kanlaon, kabĂlang ang Talong Sudlon at ang Talong Quipot.
Ang Bulkang Kanlaon ay 25 beses nang sumabog mula 1866. Ang unang naitalang pagputok nito ay noong 1866 at sinundan ng iba pang mga pagsabog ng mga sumunod na taon. Pinakamalakas ang pagputok noong 1893 nang umulan ng abo at umagos ang kumukulong putik sa kinalalagyan ngayon ng Lungsod San Carlos. Ang pinakahuling pagputok nito ay noong 1985. Subalit noong 1996, bigla itong nagbuga ng mga bato at abo na ikinamatay ng tatlong mountain hikers na naipit sa tuktok ng bulkan.
Ginawang pambansang parke ang paligid nito noong 8 Agosto 1934 at may lawak na 246 kilometro kuwadrado ang nasasakop. Ang parke ay may masukal na kagubatan at dinadayo ng mga mountain climbers.
Maraming uri ng hayop at bulaklak ang makikita sa nasasakupan ng parke. Ang parke ay may mahigit 40 kilometrong daanan papunta sa pinakatuktok ng bulkan.
Ang pinakamaiksing ruta paakyat ng bulkan ay ang daang Masulog na may walong kilometro ang layo at ang pinakamahabang ruta ay ang daang Wasay na aabutin ng dalawang araw na paglalakad sa masukal na kagubatan ng parke bago makarating sa tuktok ng bulkan.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin: https://pilipinas.bid/2021/03/pinakamasasarap-kainin-sa-negros.htm
No Comment to " Bulkang Kanlaon "