Kilala sa kahanga-hangang halos perpektong hugis apa ang Bulkang Mayon.


Ito ay matatagpuan sa silangang bahagi ng lalawigan ng Albay at may 300 kilometro sa
timog-silangan ng Maynila.


Ang Bulkang Mayon ang pangunahing halina ng rehiyong Bikol.


Ito ay may taas na mahigit 2,462 metro mula sa ibabaw ng dagat at may lawak na 314.1 kilometro
kuwadrado na sumasakop sa mga bayan ng Camalig, Malilipot, at Sto. Domingo.


Ang Bulkang Mayon ay isang kompositong bulkan at nabuo sa pamamagitan ng pagkakapatong-patong
ng mga daloy ng lahar at lava.


Itinuturing itong pinakaaktibong bulkan sa buong bansa.


Ang pangalan ng Bulkang Mayon ay halaw sa maalamat na kuwento ni Daragang Magayon. Sa nakalipas na 400 taón, ito ay nagkaroon ng 47 beses na pagputok.Ang unang naitalang pagputok ng bulkan ay noong 1616.


Noong 1 Pebrero 1814, naitala sa kasaysayan ang pinakamabagsik na pagsabog nito nang matabunan ng lahar at lava ang buong bayan ng Cagsawa, Camalig, at Budiao at may 1,200 mamamayan ang sinasabing namatay, samantalang gumuho naman ang kalahati ng Guinobatan.


Nagsisilbing palatandaan ng nalibing na mga bayan ang kampanaryo ng simbahan ng Cagsawa na matatagpuan sa Barangay Busay sa munisipalidad ng Daraga, Albay.


Noong 23 Hunyo 1897, naitala ang pinakamatagal na pagsabog ng bulkan na umabot ng pitong araw na walang tigil sa paglabas ng apoy at lava.


Ang hulíng malakas na pagsabog nito ay noong 1993 at 77 katao ang namatay dahil sa ibinugang mainit na abo nito. Ang pinakahulíng pagsabog ng bulkan ay naganap noong 24 Pebrero hanggang 7 Marso 2000.


Pinagmulan: Kermit Agbas


Mungkahing Basahin: