Ang Ilog Bíkol ang ikawalong pinakamalaking ilog sa Pilipinas.


Matatagpuan ito sa rehiyong Bikol sa timog Luzon. Ang drainage basin nito ay tinatayang may laking 3,770 kilometro kuwadrado at sumasaklaw sa tatlong lalawigan, ang gitnang bahagi ng Camarines Sur, hilagang bahagi ng Albay, at timog bahagi ng Camarines Norte.


May haba itong 94 km at nagsisimula sa Lawang Bato, ang ikapitong pinakamalaking lawa sa bansa. Pinaliligiran ito sa hilagang-silangan ng Bulubunduking Bikol, na isang pangkat ng mga bulkan kabilang ang Iriga, Malinao, Masaraga, at Mayon, at sa timog-kanluran ng mga Burol Ragay.


Umaagos ito pahilagang-kanluran sa malawak na kapatagan ng Lambak Bikol bago bumuhos sa Look San Miguel, sa gitna ng mga bayan ng Cabusao at Calabanga sa Camarines Sur. Ilan sa mga sangay nito ang Ilog Libmanan at Ilog Sipocot.


Dumadaan ang ilog sa mga lungsod ng Naga at Iriga, at ito ang pinagmumulan ng malinis na tubig at kabuhayan (pangingisda, pagsasaka) sa maraming mamamayan ng Bikol.


Ang lupaing dinadaanan ng ilog patungo sa dagat ay hitik sa mga anyo ng búhay; humihimpil dito ang libolibong migratoryong na ibon. Matatagpuan dito ang mga kagubatan ng bakawan, pinak, palaisdaan, at palayan. Ilan sa mga inaaning lamantubig ay alamang at dilis.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: