On
palaisdaan

 

Palaisdaan


Ang palaisdaan ay pook para sa pag-aalaga at pagpapalaki ng isda at ibang lamantubig tulad ng krustaseo at molusk. Maaari itong itayô sa tubig-tabáng o tubig-dagat. Naiiba ito sa pangingisdang komersiyal dahil binabantayan ang paglago ng mga isda. Maaari itong tumukoy sa fish pen, bahagi ng likás na lawas ng tubig (tulad ng look o lawa) na binabakuran, o fish pond, isang kontroladong sapà o artipisyal na lawà na maaaring matagpuan malapit sa baybayin o kahit malayò dito. Ang palaisdaan ay isang uri ng akwakultura o pagsasakang pantubig.


Sa Pilipinas, ilan sa mga karaniwang ani sa palaisdaan ay ang tilapya, bangus, hito, at hipon. Libo-libong Filipino ang nakaasa ang kabuhayan sa mga palaisdaan. Matatagpuan ang mga palaisdaan sa lahat ng bayang may baybayin. Tatlo sa mga pook na kilalá sa ani ng lamantubig ay ang Laguna de Bay, ang pinakamalaking lawà sa bansa na matatagpuan sa tabi ng Kamaynilaan; ang lalawigan ng Capiz sa kanlurang Kabisayaan; at ang lalawigan ng Pangasinan, lalo ang Lungsod Dagupan, sa hilagang Luzon. Bilang halimbawa, ang Dagupan ay itinayô sa mababàng basâng-lupain (wetland), at makikita ang mga palaisdaan sa kanan at kaliwa ng ilang highway.


Nitong mga nakaraang taon, dumadalas ang mga fish kill, o maramihang pagkamatay ng mga isda, sa mga pook na sinasabing sobra ang dami ng palaisdaan. Bilang mga halimbawa, sinasabing hindi na káya ng ekosistema ng Laguna de Bay ang bigat ng akwakultura dito; ang dagat naman sa Hundred Islands sa Pangasinan ay dumanas ng di-nakontrol na pagdami ng mga palaisdaan. 


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr