On
Ang hípon ay alinman sa marami at maliliit na dekapodong crustacean na may makitid, pahabang katawan, at nababalot ng talukab, siksik na tiyan, at patulís na ulo.


Tinatawag itong ífun ng mga Ifugaw, lagdaw ng mga Ilokano, paro ng mga Kapampangan, at pasayan sa Bikol, Hiligaynon, Sebwano, at Waray.


Mayroon itong pangalang siyentipiko na Crangon vulgaris. Sa mga sinaunang Tagalog, tinatawag na kulagya ang isang uri ng maliit na hipon. Tinatawag din itong camaron, na nagmula naman sa wikang Espanyol.


Tinatawag na alamang ang maliit na hipon na ginagawang patis o bagoong; agamang ito sa Pangasinan, aramang o doong sa Ilokano, balaw sa Bikol, orabang sa Maranaw, at uyap sa Tausug.


Samantala, tinatawag namang sugpo ang alinman sa mala-hipong crustacean na malaki. Ulang naman ang uri ng hípon na malaki ang ulo at lumalaki ang sipit nang higit sa laki ng katawan.


Isa sa nangungunang kalakal ng Pilipinas ang hipon na makikita sa iba’t ibang bahagi ng bansa at madali pang paramihin. Mayroon itong mataas na bahagdan ng protina, bitamina, at mineral, samantalang mababa naman ang taba at kaloriya nito at madaling matunaw sa tiyan.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr