On
Tilapya ang panlahatang tawag sa mga isdang nabibilang sa grupo ng mga cichlid na katutubo sa kontinente ng Aprika. Sa nakalipas na siglo, malawakang inaalagaan ang tilapya sa maiinit na lugar sa Asia at Karagatang Pasipiko. Madali itong mangitlog, mabilis na lumaki, at may kakayahang mabúhay sa mahinàng kalidad ng tubig.


Masiksik ang katawan ng tilapya at bahagyang palapad na may mahabang palikpik sa likod. Maraming tinik ang harapan ng palikpik sa likod. Kadalasan, may malalapad na patayong guhit sa gilid ng katawan. Lumalaki ito hangang 60 sentimetro at may bigat na higit sa apat na kilo.


Kumakain ang isdang ito ng iba’t ibang klase ng hayop at halaman sa tubig. Maaaring mabúhay ang isdang ito sa tubig tabáng o alat. Di tulad ng ibang isda, madalîng alagaan at mangitlog ang tilápya dahil sa kakayahan nitóng mabúhay sa lugar na may mataas na temperatura at alat, mababàng oxygen level, at mataas na ammonia level.


May iba’t ibang uri ng tilapya at dalawa sa mga ito ang pinakapopular, ang tilapyang Mozambique o Oreochromis mossambicus at tilapyang Nile o Oreochromis niloticus.


Ayon sa ulat, isa ang tilapyang Nile sa kaunaunahang isda na inalagaan mahigit 3,000 taon na ang nakalilipas. Ang tilápyang Mozambique naman ang unang uri ng tilapya na ipinasok sa Filipinas mula sa bansang Thailand noong 1950. Dinala dito ang tilápyang Nile noong 1972.


Sa kasalukuyan, pumapangalawa ang produksiyon ng tilapya sa Pilipinas sa bangus bilang pangunahing isdang inaalagaan sa mga palaisdaan at iba pang tubigan. Maraming bumibili dahil sa malasang laman at murang halaga.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: