On
Ang isdang dorado (Coryphaena hippurus) ay kabilang sa pamilya Coryphaenidae. Naninirahan mula sa malapit na baybayin hanggang sa malalayòng karagatan. Ito ay matatagpuan sa dagat Atlantiko, Indian at Pasipiko na ang temperatura ay tropiko at sub-tropiko. Maaari ding matagpuan sa malalamig na lugar.


Ang katawan ng dorado ay siksik at may mahabang palikpik sa likod na umaabot sa buong katawan. Ang palikpik sa buntot at puwit ay ganap na malukong. Matitingkad ang kulay ng katawan, tulad ng malaginto sa tagiliran at makinang na asul at berde sa gilid at likod. Ang noo ng tigulang na lalaki ay nakalitaw sa itaas ng katawan. Kadalasang mas malaki ang babae kaysa lalaki.


Madali itong lumaki at maaari nang mangitlog sa edad na apat hanggang limang buwan. Nangingitlog nang buong taon malapit sa baybay hanggang kalagitnaan ng karagatan lalo na sa maiinit na lugar. Ang bilang ng itlog ay umaabot sa 80,000 hanggang 1 milyon kada pangingitlog. Ang karaniwang timbang ay 7-13 kilo.


Ang dorado ay isang uri ng isda na naglalakbay. Makikita ring lumalangoy nang magkakasama. Mabilis lumangoy na umaabot hanggang 92.6 kilometro kada oras. Ang maliliit na dorado ay naglalagi sa mga halamangdagat. Kumakain ito ng maliliit na organismong tulad ng hipon, pusit, alumahan, bolador, at marami pang iba. Nabubuhay ito hanggang limang taon.


Ang mga mangingisda ay gumagamit ng payaw at lambat sa panghuhuli ng dorado. Madalas ding napapasama sa lambat na ginagamit na panghuli ng tuna at malasugi. Popular din ang dorado sa mga táong mahilig sa isports dahil sa kagandahan, laki, sarap, at bilang nitó. Ito ay ibinebenta nang sariwa o nakalagay sa yelo.


Sa Pilipinas, ang kinilaw ang isa sa pinakamasarap na putahe ng dorado.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: