Bolador
Ang pinakanatatanging katangian ng bolador ay ang lubos na pinalaking pares ng palikpik para sumalipapaw sa ibabaw ng tubig.
Ang mga panga ay magkasinghaba at medyo maikli. Ang ilang specie ay may hindi pangkaraniwang mahabang pektoral na palikpik na ginagamit sa paglangoy. Samantalang ang iba naman ay may malalaking palikpik sa pektoral at katawan na nagmimistulang apat na pakpak.
Ang bolador na may mukhang apat na pakpak ay maaaring sumalipapaw hanggang 400 metro at puwede ring magpaliko-liko at magpabago-bago ng altitud samantalang ang may dalawang pakpak ay naglalakbay nang mas maikling distansiya at karaniwan ay sa iisang tuwid na linya. Ang buntot ay patulis at ang itaas na bahagi ay mas maikli kaysa ibaba. May 39-51 bertebra. Ang batang bolador ay kadalasang may isang mahabang pares ng mala-kampay na balbas.
Ito ay pangkaraniwang makikita sa Pasipiko sa pagitan ng 40 Timog at 40 Hilaga. Ang ilang specie ay bumabalik o patuloy na naglalagi sa baybayin upang makompleto ang buong buhay. May ibang ginugugol ang buong buhay sa karagatan. Mabilis lumaki subalit ang paglaki ay nagiiba-iba depende sa uri.
Ang mga specie sa karagatan ay mas maliit. Ang karaniwang laki ay kulang-kulang 30 sentimetro at ang pinakamalaking naitala ay 45 sentimetro. Ang karamihan sa mga hinuhuling tulad ng Hirundichthys, Cypselurus at Cheilopogon ay lumalaki hanggang 20-25 sentimetro at may bigat na 300-450 gramo. Ang bolador na nasa tropiko ay maaari nang mangitlog makalipas ang 10-14 na buwan at nabubúhay hanggang 2 taon. Ang pangunahing pagkain ng bolador ay isda, copepod, at krustaseo.
Ang pangingsida ng bolador ay importante sa mga maliliit na mangingisda ng Filipinas. Ito ay hinuhuli sa pamamagtan ng pante, pangulong, at salakab. Ginagamit din itong pain para sa malalaking isdang tulad ng tuna, marlin at lumba-lumba.
Pinagmulan: NCCA official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Bolador "