Tangige
Ang tangige ay isang isda.
Ang tangige [ Scomberomorus commerson (Lacepède, 1800)] ay kabilang sa pamilyang Scombridae. Tinatawag din itong tanggingge.
Ito ay makikita sa kanlurang bahagi ng Indo-Pasipiko mula Dagat Pula at timog Aprika hanggang Timog-silangang Asia, hilagang China at Japan at timog at timog-silangang Australia, at sa Fiji.
Ang kalaykay nito sa hasang sa unang arko ay kakaunti; 0-2 sa itaas at 1-8 sa ibaba. Ang unang palikpik sa likod ay may 15-18 tinik samantalang ang ikalawa naman ay may 15-20 malambot na tinik. Ang linya sa tagiliran ay biglang lumiliko sa ibaba ng ikalawang palikpik sa likod. May 19 o 20 bertebra. Ang bituka ay may dalawang tupi at tatlong biyas.
Ang gilid ng katawan ay kulay-pilak na may pahalang na hanay na matingkad na abo. Ang hanay ay makipot at bahagyang paalon, minsan ay nagiging batik sa may tiyan. May 40-50 hanay ang matanda at 20 naman sa batang tangíge na may sukat na 45 sentimetro. Ang pisngi at ibabâng panga ay kulay-pilak na putî. Ang unang palikpik sa likod ay matingkad na bughaw na nagiging maitim-itim na asul. Ang pektoral na palikpik ay mapusyaw na kulay abo na nagiging maitim-itim na asul.
Ang tangíge ay matatagpuan sa gilid ng kontinente at mabababaw na baybayin, kadalasan ay medyo maalat at malabo, at sa lawa at tangrib. Ito ay nahuhuli sa lalim na 10-70 metro. Karaniwang lumalangoy ito nang mag-isa. Kilalá itong naglalakbay nang malayò ngunit puwede ring maging permanente sa isang lugar. Kumakain ng maliliit na isda tulad ng dilis, sardinas, posit, at hipon.
Naitalâ ang pinakamalaking tangíge na may sukat na 240 sentimetro at ang pinakamabigat ay 70 kilo. Ito ay nahuhúli sa pamamamagitan ng paanod, trolling, at kawil. Ibinebenta nang sariwa, tuyong-inasnan, elado, pinausukan, at de-lata. Ito ay kadalasan ding ginagawang pisbol. Naiulat na may nahuli sa silangang bahagi ng Queensland, Australia na nagtataglay ng lason na tulad sa ciguatoxin.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Tangige "