On
Kilala rin ang maliputo sa tawag na talakítok na nabibilang sa pamilya Carangidae. May limang uri ng maliputo na matatagpuan sa Pilipinas at ang mga ito ay nása grupo ng Caranx at Carangoides. Matatagpuan ito sa Indo-Pasipiko, silangang baybayin ng Aprika, hilaga hanggang timog ng Japan, at timog hanggang hilaga ng Australia.


Ang Caranx ignobilis ang pinakakilaláng uri ng maliputó. May katawan at ulo ito na malaginto at may tiyan na kulay pilak. Pinoprotektahan ang mga mata nitó ng naaaninag na taba ng talukap. Kadalasang kulay abo at itim ang mga palikpik nitó, kulay dilaw o itim ang buntot, at maaaring may kaliskis ang dibdib.


May apat hanggang walong tinik sa harapan ng palikpik sa likod ng maliputó at may isang tinik ito sa may hulihan bahagi. Mahabà ang palikpik sa likod samantalang may dalawang magkahiwalay na tinik ang palikpik nitó sa may puwitan. Payat at magkahiwalay ang buntot.


Kadalasang makikita ito sa mabuhangin at mabatong lugar tulad ng bahura. Pumapasok din ang isdang ito sa mga ilog at nangingitlog sa mababaw na bahagi ng dagat at sa mga bahura. Naginginain ang mga matatandang maliputo ng mga hayop at isda sa mga bahura tuwing gabi. Dahil ito sa kanilang maliksing paglangoy sa gabi o tuwing takipsilim.


Sa araw naman, pagiling-giling na nagtititipon ang mga maliputó at dahan-dahang nagkakawan sa labas ng bahura. Ang pinakamalaking naitalâ ay may habàng 1.7 metro at may bigat na higit sa 60 kilo. Nahuhúli ang isdang ito sa pamamagitan ng pante at pukot.


Sa Pilipinas, katutubo ang maliputó sa Lawang Taal kayâ kailangang paigtingin ng pamahalaan ang pagpapatupad ng mga regulasyon para mapabuti ang kalidad ng tubig sa lawa. Ayon sa kasalukuyang pag-aaral, maaari nang paitlugin ang isang maliputó habang nakakulong.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: