On
Ang ginamos ay isang uri ng pagkaing kilala sa mga probinsiya sa Kabisayaan at Mindanao. Ito ay gawa sa maliliit na isda at asin na pinaghalo at inimbak sa loob ng maraming araw.


Ang ginamos ay ginagawang ulam, sawsawan ng nilagang saging, mangga, at iba pang pagkain, o kaya ay inihahalo sa mga ulam bilang pampalasa. May pagkakatulad ang ginamos sa karaniwang bagoong na isda ng mga taga-Luzon. Katulad ng bagoong na isda, ang ginamos ay maalat din.


Kadalasan ay dilis ang ginagamit sa paggawa ng ginamos ngunit may gumagamit ng iba pang uri ng maliliit na isda. Ang dami or proporsiyon ng asin at isda sa kombinasyon ay kadalasang nakadepende sa tagagawa nito. Ang pinaghalong asin at isda ay tinatakpan sa loob ng sisidlan upang mabulok o dumaan sa permentasyon.


Paminsan-minsan itong hinahalo para masigurong pantay na maikalat ang asin. Kapag sapat na ang panahon ng pag-iimbak, na kadalasan ay inaabot ng isang buwan at higit pa, nagiging kulay abo o mas maitim pa ang produkto. Para sa mga hindi pamilyar sa amoy ng ginamos, maaari itong hindi kanais-nais at naihahalintulad sa nabubulok na isda.


Sa palengke, inilalako ang ginamos na nakalagay sa bote o tinatakal mula sa malalaking timba.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: