On
Ang isdang barakuda ay kabilang sa pamilya Sphyraenidae. Tinatawag din itong torsílyo at naninirahan sa tropiko at sub-tropikong bahagi sa mga karagatang Atlantiko, Indian, at Pasipiko.


Ang katawan ng barakuda ay pahaba. May malaking bibig ito na ang ibabang panga ay nakausli paitaas at may matitibay na ngipin. Buo ang tagilirang linya sa katawan. Ang posisyon ng palikpik sa pektoral ay medyo mababa at ang mga palikpik sa likod ay magkalayo. Ang unang palikpik sa likod ay may limang tinik samantalang ang ikalawang palikpik ay may isang tinik at siyam na malalambot na rayo.


Maraming uri ng barakuda at dalawa sa mga ito ay ang Sphyraena barracuda at Sphyraena jello. Ang Sphyraena barracuda ay may dobleng palikpik sa buntot na ang dulo ay mapusyaw ang kulay at kadalasan ay may mga nakakalat na itim na batik sa ibabang gilid. Ang ibabaw ng ulo sa pagitan ng dalawang mata ay pikpik at malukong.


Ang karaniwang laki ay 140 sentimetro at ang pinakamahabang naitala ay 200 sentimetro samantalang ang pinakamabigat ay 50 kilo. Ang Sphyraena jello naman ay may mga itim na guhit na nakakrus sa tagilirang linya ng katawan at ang bawat guhit ay nakahilig ang kalahating nása itaas at ang kalahating nása ibaba ay nakatayo. Kulay dilaw ang palikpik sa buntot. Ang karaniwang laki ay 120 sentimetro at ang pinakamahabàng naitalâ ay 150 sentimetro samantalang ang pinakamabigat ay 11.5 kilo.


Ang barakuda ay matatagpuan malapit sa mga lawa, bakawan, bahura, estuwaryo, at malawak na karagatan. Aktibo sa araw at malimit na nag-iisa bagama’t ang mga batang barakuda ay sama-samang lumalangoy. Matakaw ito at kumakain ng mga isda, pusit, at hipon.


Nahuhuli sa pamamagitan ng lambat o bingwit, ito ay ibinebenta nang sariwa, inilagay sa yelo, o tuyong inasnan. Naibalita na may mga taong inatake na ng barakuda at naiulat din na ang malalaki nito ay maaaring nagtataglay ng lason na kung tawagin ay ciguatoxin.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: