On
Ano ang apahap?

Ang apahap (Lates calcarifer (Bloch)) ay isdang nabibilang sa pamilyang Centropomidae. Ito ay tinatawag ding kakap, bulgan, salongsong, katuyot, matang pusa.


Matatagpuan ito sa mga baybaying dagat, estuwaryo, ilog, batis at lawa, sa malinaw man o malabong tubig. Ito ay pinararami at inaalagaan sa mga palaisdaan ng bansang Thailand, Malaysia, Singapore, Indonesia, Hong Kong at Taiwan.


Ang katawan ng apahap ay siksik na pahaba. Ang ulo ay patulis samantalang ang likod ay malukong na nagiging matambok sa harap ng palikpik sa likod. Ang bibig ay malaki, bahagyang pahilig, at ang itaas ng panga ay umaabot sa likod ng mata. Ang palikpik sa likod ay may 7 hanggang 9 na tinik. Ang palikpik sa pektoral ay maikli at pabilog hábang ang palikpik sa likod at puwit ay parehong may makaliskis na kaluban.


Ang kulay kapag nasa dagat ay olibong kayumanggi sa itaas ng katawan at pilak sa gilid at tiyan samantalang ginintuang kayumanggi naman kapag nasa tubig tabang. Ang tigulang na apahap ay kulay berdeng bughaw o abo sa itaas at pilak sa ibaba.


Matatagpuan ito sa malawak na bahagi ng tropikal at sub-tropikong kanluraning Pasipiko at Karagatang Indian. Ang batang apahap ay nananatili sa mga ilog at lawa ng dalawa hanggang tatlong taon bago ito bumalik sa estuwaryo at dagat upang mangitlog. Mabilis itong lumaki, kadalasan ay tatlo hanggang limang kilo sa loob ng dalawa o tatlong taon.


Naitala ang pinakamalaking apahap na may sukat na 200 sentimetro samantalang ang pinakamabigat naman ay 60 kilo. Kumakain ito ng mga alga, krustaseo at maliliit na isdang tulad ng sapsap at banak.


Ibinebenta ang apahap nang sariwa o elado. Dahil sa mataas na halaga sa pamilihan, ito ay naging kaakit-akit na kalakal sa akwakultura. Gayunman, ang pangunahing hadlang sa pag-aalaga ay ang kakulangan ng suplay ng maliliit na apahap mula sa dagat.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: