On
Ano ang alumahan?


Ang alumahan (Rastrelliger kanagurta) ay isang isda na kabilang sa pamilya Scombridae. Ito ay matatagpuan sa kanlurang Indo-Pasipiko, mula Red Sea at Silangang Aprika hanggang Indonesia, hilaga ng mga isla sa Ryukyu at Tsina, timog Australia, Melanesia, at Samoa. Ito ay mahalagang komersiyal na espesye ng isda sa Pilipinas.


Ang katawan ng alumahan ay bahagyang malalim at ang lalim sa gilid ng talukap ng hasang ay umaabot sa 4.0-4.8 na beses ng haba ng sanga sa buntot.


Ang likod ay malalungtiang itim, kulay pilak ang gilid na malaginto. May makipot at maitim na linya sa itaas ng katawan at isang itim na batik malapit sa ibaba ng palikpik sa pektoral.


Ang ulo ay mas mahaba kaysa lalim ng katawan. Ang panga ay bahagyang nakatago, binabalutan ng isang buto at umaabot sa likod ng mata. May mahahabang kalaykay sa hasang na makikita kapag ang bibig ay nakabukas. Ang balahibo sa mahahabang kalaykay ng hasang ay may bilang na 105 sa alumahan na may laking 12.7 sentimetro, 140 para sa 16 sentimetro, at 160 naman para sa 19 sentimetro ang laki.


Ang bituka ay 1.3-1.7 na beses mas mahaba kaysa haba ng katawan. Ang likod na palikpik ay may 8-11 tinik. Ang tinik sa palikpik sa puwit ay hindi pa ganap na buo. Ang karaniwang laki ng alumahan ay 2025 sentimetro at ang pinakamahabàng naitalâ ay 35 sentimetro.


Ang alumahan ay matatagpuan sa baybayin, look, puwerto, kadalasan sa malalabong pook ngunit sagana sa pagkain. Nagsasama-samang lumangoy ang mga alumahang magkakasinlaki. Kalimitang kinakain ay plangkton at maliliit na hipon at isda. Ito ay ibinebenta nang sariwa, inilagay sa yelo, de-lata, tuyo, inasnan, at pinausukan. Ito ay ginagawa ring patis.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: