Ilog
Sa kasaysayang pandaigdig, may mga ebidensiya na isinilang ang malalaking sibilisasyon sa tabi ng dakilang mga ilog. Sa Pilipinas, pinatutunayan ng kanilang mga pangalan na maraming pangkatin ang nabuo sa tabi o malapit sa ilog.
Kabilang sa maituturing na ganitong “komunidad sa ilog at tubigan” ang Tagalog (taga-ilog), Kapampangan (ka-pampang-an), Ibanag, Subanun, Itawis, Sugbuanon, Tausug.
Tubigan pa rin bagaman danaw o lawa ang pinagmulan ng pangalang Maranaw at Magindanaw. Bawat malaking pulo o rehiyon sa bansa ay may malaki at mahabang ilog, lalo na ang Ilog Cagayan at Rio Grande de Mindanao.
Kaiba naman ang mga pangkating nakapangalan sa lupa, gaya ng Igorot (tao ng gulod) at Bukidnon (tagabundok). Nakaugnay dito ang haka ni E. Arsenio Manuel na hindi “ílog” kundi “álog” ang ugat ng pangalang Tagalog.
Ang alog sa matandang bokabularyo ay tumutukoy sa kaibabaan. Bahagi ng haka ni E.A. Manuel na bahagi ng mga migratoryong pangkatin na nanirahan sa Cordillera ang mga Tagalog. Bumaba sila sa panahanang Bulubundukin, kaya itinuring ng mga naiwang Igorot at Ifugaw na Tagaalog. Sila ang gumawa ng mga panghulíng pay-yo o payaw na matatagpuan pa ang bakas sa Majayjay, Laguna bago muling nagtawid-dagat.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Ilog "