Ang Ilog Tagoloan ang ikalabintatlong pinakamalaking ilog sa Pilipinas kung pagbabatayan ang laki ng watershed, ayon sa Pambansang Lupon sa Kayamanang Tubig (NWRB).


Matatagpuan ito sa mga lalawigan ng Bukidnon at Misamis Oriental sa Hilagang Mindanao. May haba itong 106 km. Nagsisimula ito malapit sa Lungsod Malaybalay sa Bukidnon, na kinakalapan nitó ang mga agos mula sa dalisdis ng Bundok Kitanglad, bago dumaloy pahilaga at bumuhos sa Look Macajalar sa bayan ng Tagoloan, Misamis Oriental. Mayroon itong river basin na 1,704 km² ang lawak.


Mahalaga ang ilog sa kabuhayan ng mga taga-hilagang Mindanao, halimbawa sa bayan ng Tagoloan na bumubuhusan ng ilog. Halos sangkatlo sa lupain ng bayan ay ginagamit para taniman ng bigas, at sangkapat naman sa iba pang pananim, at ang ilog ang nagsisilbing irigasyon ng mga bukiring ito. Popular din ang ilog sa mga mahilig sa watersports tulad ng kayaking.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: