Tawilis
Ang tawílis ( Sardinella tawilis) ay isdang nabibilang sa pamilya Clupeidae. Nag-iisang uri ito ng Sardinella na matatagpuan sa tubig tabang at katutubo sa Pilipinas. Maliit na isda ang tawilis. Katulad ng ibang miyembro ng pamilya Clupeidae, ang katawan ng tawilis ay siksik patagilid at tinatakpan ang tiyan nitó ng mga matigas na takip na hawig sa kaliskis.
May isang triyanggulong palikpik sa likod nitó nguni’t walang tinik sa likod at puwit. Matulis at magkahiwalay ang buntot. Ang kalaykay sa hasang ay payat, mahaba, at marami.
Naitalang ang pinakamalaking tawilis ay may sukat na 15.2 sentimetro samantalang ang pinakamabigat naman ay 27.3 gramo. Kumakain ang isdang ito ng mga hayop na tulad ng kopepod.
Sa tuwing kumakain, ibinubuka ng tawilis ang bibig hábang lumalangoy, at pagkatapos, sinasala nito ang pagkain mula sa tubig sa pamamagitan ng kalaykay sa hasang.
Sa Pilipinas, katutubo ang tawílis sa Lawang Taal, Batangas.
Noong unang panahon, bahagi ang Taal ng Look Balayan. Dahil sa magkakasunod na pagputok ng bulkan noong ika-18 siglo, nagsara ang lawa mula sa dagat kung kaya naging tubig tabang ito.
Ang Ilog Pansipit ang koneksiyon ng lawa sa dagat. Nagkakawan ang tawílis sa paligid ng lawa. Kakaunti ang impormasyon tungkol sa pagpaparami ng tawílis. Ang populasyon sa Taal ay naitalang nangingitlog mula Abril hanggang Hulyo kung ang tubig ay mainit. Ang pante, pukot, at sudsod ang puwedeng gamitin sa panghuhuli ng tawilis.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Tawilis "