On
Ang kandulì ay isda na kabílang sa pamilya Ariidae.


Matatagpuan ang isdang ito sa tropiko at mga lugar na maiinit at sa tubig alat at tabang. Maraming uri ng kandulì pero pinakamarami ang nasa grupo ng Arius. Sa katunayan, katutubo sa Filipinas ang Arius manillensis.


Makinis ang kalasag sa ulo sa harapan ng kandulì samantalang may maliliit na hanay ng butil at makunot naman sa hulihan. May malaking itim na batik ang mataba nitong palikpik at may hibla sa dulo ang tinik sa likod.


May mga kandulì rin na makamandag ang matigas na tinik sa likod at dibdib. Nagsisilbi itong proteksiyon laban sa mga kaaway. May karaniwang habàng 30 sentimetro ang isang kandulì at ang pinakamalaking naitalâ ay umabot sa 80 sentimetro.


Makikita ang isdang ito sa mga lugar ng kanlurang Indo-Pasipiko, mula India hanggang sa mga karatig bansa ng Pakistan, Bangladesh, at Myanmar, at dagat sa timog bahagi ng Tsina.


Naglalagi ang kandulì sa mga baybayin, estuwaryo, ilog, at maalat-alat na tubig. Hinuhuli ang kandulì sa pamamagitan ng basnig, bingwit, at bitag.


Ipinagbibili ang isdang ito nang sariwa at kinahihiligang kainin dahil sa malasa nitong laman.


Sa Pilipinas, kilala ang Lawang Laguna na tirahan ng iba’t ibang uri ng kandulì. Subalit sa nakalipas na mga taon, unti-unting lumiliit ang populasyon nitó dahil sa pagbaba ng kalidad ng tubig at malawakang paggamit ng pukot.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: