Sa araw na ito (Setyembre 30), noong 1876, isinilang sa bayan ng Arevalo, Iloilo ang anak ni Santiago Reyes at Eulalia Tiaozon na si Sofia Reyes de Veyra.


Si Sofia Reyes de Veyra ay ang isa sa mga kauna-unahang Filipina na nagtaguyod ng ideyang peminismo, o pagtataguyod sa karapatan ng mga babae at pagkilala sa kanilang mga kakayahan, sa Pilipinas. Si Sofia ay asawa ng mamamahayag at dating gobernador ng Leyte na si Jaime de Veyra, na natalaga rin bilang embahador ng Pilipinas sa Estados Unidos. Isang guro sa wikang English sa murang edad noong panahon ng Amerikano, itinatag niya at ng kanyang kapwa peministang Amerika na si Mary E. Coleman noong 1905 ang Asociacion Feminista Filipina, ang kauna-unahang samahang pansibil na para sa mga kababaihan, na nagpasimula ng kilusang peminismo sa Filipinas. Isa sa mga ipinaglaban ng asosasyon na napagtagumpayan nila ay ang paghihiwalay sa mga kulungan ng mga kalalakihan at mga kababaihan na nagbigay-daan sa pagkakatatag ng Correctional Institute for Women, pagtatalaga ng mga babaeng warden sa mga kulungang pambabae, pagbibigay ng legal na tulong sa mga babaeng katutubo at pagtatatag ng mga daycare center para sa mga inang nagpapasuso.


Nang madestino si Jaime de Veyra sa Estados Unidos noong 1917 ay sumama si Sofia at doon pa mas nalinang ang kanyang ideyang peminismo kasama ang iba pang mga peministang Amerikana doon. Nagboluntaryo rin siya sa Red Cross ng Amerika upang magbigay tulong sa mga nasugatang sundalong Amerikano noong Unang Digmaang Pandaigdig. Nang bumalik ang mag-asawang de Veyra sa Pilipinas ay inorganisa ni Sofia at iba pang mga peministang Filipina ang Manila Women’s Club na pinagmulan ng National Federation of Women’s Club. Isa itong organisasyon na nangampanya upang ipaglaban ang karapatan ng mga babae, kabilang na ang kalayaang bumoto. Naging legal din sa Pilipinas ang pagboto ng mga babae noong 1931.


Bilang isang social worker, inorganisa din ni Sofia ang La Proteccion de la Infacia, na siyang tututok sa mataas na kaso ng pagkamatay ng mga naipapanganak na sanggol sa Pilipinas. Bilang isa ring guro, siya rin ang nag-akda ng pampaaralang libro na patungkol sa paghuhubog sa pagpapahalagang moral ng mga bata.

Naging personal na kalihim din siya ng apat na pangulo ng ating bansa — sina Manuel Luis Quezon, Sergio Osmena, Manuel Roxas at Elpidio.Quirino. Pumanaw sa edad na 77 si Sofia de Veyra noong Bagong Taon noong 1953.


Sanggunian:
• The Kahimyang Project (n.d.). Today in Philippine history, September 30, 1876, Sofia Reyes De Veyra was born in Iloilo. https://kahimyang.com/kauswagan/articles/650/today-in-philippine-history-september-30-1876-sofia-r-de-veyra-was-born-in-iloilo


Mungkahing Basahin: