Sino si Josefa Jara-Martinez?


Tagapanguna ng mga gawaing panlipunan (social works) sa Pilipinas, malaki ang naitulong ni Josefa Jara-Martinez (Ho·sé·fa Há·ra Mar·tí·nez) para sa propesyonalisasyon ng mga manggagawang panlipunan.


Isinilang siyá noong 21 Enero 1894 sa Mandurriao, Iloilo kina Jose Jara at Emilia Goigil. Noong 1910, ipinadalá siyáng iskolar sa Normal School sa Maynila at naging prinsipal ng paaralan noong 1919. Sa panahon iyon, tinanggap niya ang alok na maging espesyalista sa gawaing panlipunan sa Estados Unidos.


Nagtapos siyá ng child and family welfare at community relations noong 1921 sa New York School of Social Welfare, ang kauna-unahang propesyonal na social worker na Filipino.


Pag-uwi, nagtrabaho si Josefa sa Bureau of Public Welfare at pagkaraan, sa Division of Dependent Children ng Department of Public Health. Naging tagapanguna siyá sa pag-aalaga ng may-kapansanan at paggamit ng pamamaraang siyentipiko sa lahat ng aktibidad. Nadestino siyá sa Negros Occidental at bumuo doon ng mga women’s club para sa pagtatayô ng mga sentrong pangkalusugan.


Naging tagapamahala siyá ng Associated Charities of Manila na itinayô ng mga lider sibikong Amerikano at Filipino. Naging mga boluntaryo niya dito ang mga lider na gaya nina Josefa Llanes Escoda, Trinidad Fernandez Legarda, at Asuncion Perez.

Ang pinakamaningning na gawain niya ay nasa larangan ng kapakanang pambatà. Siya ang nagtatag ng Welfareville para sa inabandona at inabusong mga musmos. Noong 1934, sumapi siyá sa Young Women’s Christian Association (YWCA) at naging lider nitó hanggang makaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Naglingkod din siyá sa mga samahang pandaigdig at nagturo at tumanggap ng mga gawad dahil sa kaniyang mga paglilingkod.


Awtor siyá ng aklat na The Evolution of Philippine Social Work.


Ikinasal siyá kay Rufino Martinez, isang inhenyero, at nagkaroon ng tatlong anak. Anak nila si Amelita Martinez-Ramos, asawa ni Pangulong Fidel V. Ramos.


Namatay si Josefa noong 24 Abril 1987 sa Maynila. Isang marker na parangal sa kaniya ang ipinatayô ng National Historical Institute noong 1994 sa Philippine Women’s University.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: