Damayan
Ang pagdamay sa panahon ng dalamhati ang tinatawag na pakikiramay. May mababaw na pakahulugan ito ng “pakikilamay” o pagpunta sa lamayan kapag may patay. Ngunit higit pa sa pagdalo sa burol at pagpupuyat ang tunay na pakikiramay. Nangangahulugan ito ng pag-aambag ng anumang makakáya, salapi, bigas, manok, kape, o gamit, upang gumaan ang gastos ng dinadamayan sa pagbuburol at libing. Higit sa lahat, ito ang pag-alo sa namatayan, pagkausap at pag-aliw, at iba pang paraan ng pagpapakita ng malasakit hanggang sa libing at sa buong panahon ng pagluluksa.
May aspekto din itong negatibo, gaya ng pagpapaalalang: “Mag-ingat at baka ka madamay.” Ang “damay” sa pangyayaring ito ay singkahulugan ng “dawit.” Pinag-iingat ang sinabihan upang hindi madawit sa gulo. Ngunit maaari itong pagmulan ng aktitud na “mawalan ng pakialam” sa usapin at gawaing panlipunan.
Lumilitaw ang pambansang pagdamay sa panahon ng kalamidad. Tuwing magdaraan ang malupit na bagyo, maaaring asahan ang dagsa ng abuloy na pagkain, damit, at salapi para sa mga nasalanta. Naroon din ang mga boluntaryo upang tumulong sa mga nasugatan, mag-alaga sa mga maysakit, magtayo ng mga pansamantalang silungan, atbp.
Tahasang inantig ni Andres Bonifacio ang halaga ng damay sa hanay ng mga kasapi ng Katipunan. Sa kaniyang Katungkulang Gagawin ng mga Anak ng Bayan, ikaanim na tungkulin ng Katipunero ang sumusunod: “Sa isang nasasapanganib sa pagtupad ng kaniyang tungkol, idadamay ng lahat ang buhay at yaman upang maligtas yaon.” Sinuman diumanong kasapi ang malagay sa panganib ay kailangang damayan ng lahat. At hinahanapan ang lahat ng ganap na pagdamay, ang pagbibigay ng buhay at yaman, upang mailigtas ang kasama sa kapisanan.
Hindi kataka-taka ang pagtuturing sa Himagsikang 1896 bilang isang pambansang kilusan ng pagdadamayan ng mga Filipino upang mapalaya ang Inang Bayan mula sa matagal na pananakop.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Damayan "