Ang burol ay panahon ng pagbabantay sa bangkay bago ilibing o ang bangkay na pinaglalamayan bago ilibing. Nagtatagal ito nang tatlo hanggang pitong gabi, depende sa sitwasyon at problema sa paglilibing.


Sa ngayon, para makatipid ay kanais-nais ang maikling burol. Mayaman, wika nga, ang maykayang gumastos sa matagal na burol. Ngunit kahit maralita, hindi maaaring maglibing kung matatapat ito sa araw ng Lunes dahil sa pamahiing malas kapag umpisa ng linggo. Malimit ding nabibimbin ang libing kapag may hinihintay na kamag-anak mula sa malayo.


Ang nalinis at embalsamong katawan ng namatay ay nasa isang kabaong sa bahay ng namatayan, sa punerarya, o sa kapilya. Napalilibutan ang kabaong ng mga ilaw, mayroong malapit na registry book, kahon ng donasyon o abuloy, at mga bulaklak.
Mayroong nakahandang pagkain at inumin para sa mga nakikilamay.


Sa kanayunan noon, ang lamayan ay nagiging panahon ng pagpapakita ng pagkakaisa at pagtatanghal ng mga tradisyonal na palabas. May iba’t ibang aktibidad na nagaganap sa labas o malapit sa lamayan, tulad ng awitan, tugtugan, at duplo.


Sa ngayon, pumalit ang sugalan upang magpalipas ng oras at manatiling gisíng.


Ilan sa mga pamahiing isinasaalang-alang ang mga Filipino na nakikipaglamay ay: bawal magsuot ng pulang damit, bawal maghatid ng bisita, bawal umuwi nang diretso sa bahay, bawal mag-uwi ng pagkain, bawal magwalis sa bahay ng namatayan, bawal mapatakan ng luha ang salamin ng kabaong.


May ritwal ng paglalagay ng sisiw sa ibabaw ng kabaong, pagpuputol ng rosaryo na nasa kamay ng yumao, at pagtatawid ng mga batang kamag-anak sa ibabaw ng kabaong bago ito ilagay sa karo o ilibing, at iba pa.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: