Libingan ng mga Bayani
Ito ay ginawa noong taong 1947, panahon ni Pangulong Manuel Roxas, upang paglibingan ng mga nasawing sundalo noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Pinalitan naman ng Pangulong Ramon Magsaysay noong 1957 ang pangalan nito at ginawang Libingan ng mga Bayani upang bigyang diin ang ginawang pagsasakripisyo ng buhay ng mga sundalo para sa pagtatanggol ng ating bansa.
Kinaluan ay naglaan naman ang Pangulong Ferdinand Marcos ng 142 ektaryang lote upang mapalawak ang sakop ng nasabing libingan.
Ang libingan ng mga bayani ay nasa ilalim ng administrasyon at pangangalaga ng Grave Unit Service (GSU).
Ito ay naglalayon na magbigay ng serbisyo sa mga táong yumao sa ilalim ng ilang kondisyon, katulad ng: parte ng militar na binawian ng buhay habang nasa serbisyo, mga beteranong Filipino, presidente, mataas na pinunò ng gobyerno, estadista, national artist, at iba pa.
Sa kasalukuyan, ilan sa mga matatagpuan sa loob ng libingan ng mga bayani ay ang puntod ng mga hindi kilalang sundalo, isang mataas na monumentong nagbibigay karangalan sa 112 na Filipinong opisyal at miyembro ng Philippine Expiditionary Forces to Korea (PEFTOK) na namatay sa digmaang naganap sa Korea, ang monumentong itinayô ng Veterans Federation of the Philippines bilang testimonya sa katangi-tanging katapatan at dedikasyon ng mga Filipinong gerilya noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Noong taóng 2009, tinatáyang umabot sa 44,027 ang bilang ng mga sundalong nakalibing sa libingan ng mga bayani, na ang 32,268 sa kanila ay namatay noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Capas, Tarlac.
Sina Carlos P. Garcia at Diosdado Macapagal lámang ang mga presidente ng ating bansa na nakalibing dito. Kalaunan, pinayagan ni pangulong Rodrigo Duterte na ilibing dito si pangulong Ferdinand Marcos.
Pinagmulan: NCCA official : Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Libingan ng mga Bayani "