Ano ang kahulugan ng salitang apo?


Sa mga kasapi ng maraming angkang Filipino, karaniwang tumutukoy ang apo sa napakatandang lalaking miyembro. Itinuturing ang isang apo na may maraming kaalaman at karanasang maibabahagi sa iba pang kasapi ng angkan. Sa isang pamayanan, bayan, at maging sa mga organisasyon, itinuturing ding apo ang mga matandang iginagalang ng mga tao o kasapi dahil sa mayamang kaalaman at karanasan.


May mga pangalan ng mga lugar sa Filipinas ang nag-ugat sa titulong apo. Isa na rito ang Lungsod ng Olongapo, na sinasabing nagmula sa mga salitang “ulo ng apo”. Sa katunayan, may rebulto ng Ulo ng Apo sa lungsod at ito ay nagsisilbing sagisag ng pagkakaisa ng mga taga-Olongapo. Itinuring namang banal na lugar ng mga katutubong naninirahan ang Bundok Apo at pinaniniwalaang ipinangalan ito kay Apo Sandawa, isang mahalagang ninuno nila.


Isang kilalang tao na may titulong apo ay si Pangulong Ferdinand E. Marcos. Para sa mga naniniwala, si Apo Marcos ay isang dakilang tao. Marami sa mga naniniwala kay Apo Marcos ay mga Ilokano dahil na rin sa malaking tulong ni Ferdinand Marcos upang mapaunlad ang kanilang pamumuhay noong pangulo pa ito ng Filipinas.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: