Kabayan Mummy
Ayon sa sapantaha ng mga antropologo, malamang na nagsimula noon pang siglo 13 ang kakaibang
kaugalian ng mga Ibaloy sa pag-eembalsamo ng kanilang mga yumao. Ibig sabihin nito, ilang siglo na ang edad ng marami sa mga mummy na hanggang ngayon ay hindi pa rin tuluyang naaagnas.
Bagama’t may mga mummy na nadeskubri sa iba pang lugar sa Benguet, sa Kabayan matatagpuan ang karamihan sa mga ito. Ang Kabayan ang kinikilalang lunduyan ng tradisyonal na kultura ng mga Ibaloy.
May ilang palatandaan na mga pinuno lamang ng tribu ang iniembalsamo ang katawan. Ayon sa kasaysayang pasalita ng mga Ibaloy, bago pa man tuluyang mamatay ang isang taong naghihingalo ay painaiinom na ito ng tubig na may asin upang simulan ang proseso ng pag-eembalsamo. Pagkatapos, kapag patay na, hinuhugasan ang katawan at iniluluklok ito sa isang mataas na upuan sa labas ng bahay at doon ay unti-unting pinaiinitan ang katawan ng mahinang apoy upang patuyuin ito.
Binubugahan din ng usok ang loob ng katawan upang hindi ito uurin. Paulit-ulit na pinapahiran ang katawan ng katas ng mga dahon ng sari-saring halaman tulad ng diwdiw at besodak. Ilang buwan din pauusukan ang katawan bago ito ilagay sa kuwebang libingan.
Nang sakupin ng mga Amerikano ang Kordilyera ay ipinagbawal nila ang tradisyonal na pag-eembalsamo hanggang sa unti-unting mamatay ang kaugaliang ito.
Noong siglo 20, nang madeskubre ang mga mummy sa mga kuweba ng Benguet, nagsimula ang pagnanakaw ng mga ito upang ipagbili sa mga pribadong kolektor at sa mga museo sa Europa. Ngayon, sa pangunguna ng Pambansang Museo ng Pilipinas at ng pamahalaang panlalawigan ng Benguet, sinisikap na maibalik ang mga ninakaw na mummy sa kanilang orihinal na himlayan.
Pinagmulan: Kermit Agbas
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Kabayan Mummy "