Ang kauna-unahang natagpuang guhit-bato o petroglyph (pé·tro·glíf) sa Pilipinas ay nasa isang yungib sa Angono, lalawigan ng Rizal.


Tinatayang may 127 guhit ng tao ang makikita sa pader ng mababaw na kuweba.


Natuklasan at pinag-aralan ito ng mga kinatawan ng Pambansang Museo ng Pilipinas noong 1965. Batay sa arkeolohikong pag-aaral, iginuhit ng mga katutubong Filipino ang mga ito sa kuweba sa magkakaibang pagkakataon sa loob ng mahabang panahon.


Wala ring patunay na may kaugnayan ang mga guhit sa isa’t isa, manapa’y posibleng umuukit ng bagong likha ang mga tao kung saan may libreng espasyo. Ang mga guhit ay inukit sa pader ng kuweba gamit ang piraso ng bato.


Iba’t iba ang kalagayan ng mga ito: may mga ukit na may lalim na 10 sm at mayroon din namang mababaw at malabo na. Gayunman, makikita na ang dominanteng disenyo ng mga katutubong Filipino ay ang bilugang ulo na mayroon o walang leeg at nakapatong sa katawan na parihaba o “V”.


Kadalasang iginuguhit ang braso at binti na nakabaluktot. Bukod dito, nakaukit din ang iba’t ibang hugis katulad ng tatsulok, parihaba, at bilog.


Ang sining sa bato ay iniugnay sa paniniwala ng isang natatanging grupo ng tao. Ito ay simbolo na maaaring may kinakatawan o mas malalim na kahulugan kaysa simpleng dekorasyon lamang.


Napaulat na may petroglyph din sa kuweba ng Peñablanca sa Cagayan; sa mga nakausling bato sa Alab, Bontoc sa Mt. Province; at sa kuweba sa Singnapan sa Ransang, Palawan. Bagama’t iilan pa lamang ang natutuklasang ganitong mga likha, patunay ito ng sinaunang kamalayan sa sining ng katutubong Filipino.


Pinagmulan: Kermit Agbas


Mungkahing Basahin: