Si Haja Amina Appi ng Ungos Matata, Tandabas, Tawi-Tawi ay pinagkalooban ng Gawad Manlilikha ng bayan noong 2006 para sa kanyang kahusayan sa paglalala ng makukulay na banig ng Sama na nagtataglay ng komplikadong heometrikong padron na nagpapamalas ng kanyang kagalingan sa disenyo, proporsiyon at simetriya, at sensitibidad sa kulay.


Ang sining ng paglalala ng banig ay itinuturo ng kababaihang Sama sa kanilang mga anak na babae. Isinasagawa ng mga babae ang mga proseso mula sa pag-aani ng pandan hanggang sa aktuwal na pagdidisenyo.


Matagal at komplikado ang mga prosesong ito na nangangailangan ng tiyaga at sigla ng katawan. Bukod sa mg ito, kailangan din silang marunong sa pagtutugma ng kulay, mapuna sa mga detalye, at mahusay sa matematika.


Natatangi ang mga likha ni Haja Amina dahil bagaman pinananatili pa rin niya ang tradisyonal na paggawa sa mga ito, hindi siya nagingiming lahukan ito ng kaniyang higit na modernong disenyo. Makikita ito sa banig na ang gitnang bahagi ay nagtataglay ng hanggang walong kulay at tila pinoprotektahan ng animo’y balangkas na walang disenyo sa mga gilid. Tumatagal ng halos tatlong buwan ang paggawa ng obrang ito.


Kumapal at napuno na ng kalyo ang mga kamay ni Haja Amina dahil sa matagal na panahon ng pag-aani at pagkukulay. Sa kabila nito, ibayong paggalang pa rin ang isinusukli ng kanyang komunidad hindi lamang dahil sa natatangi niyang disenyo, katuwiran ng kanyang mga tabig (edging), at kapinuhan ng kanyang sasa at kima-kima kundi dahil sa mga itinuro niya sa kanila.


Dalawang henerasyon na ng mga Sama, ang kanyang mga anak at apo ang napagsalinan ni Haja Amina ng kanyang sining at kaalaman sa paglikha ng makukulay na banig ngunit patuloy pa rin niya itong ibinabahagi sa mga kababaihan ng kanyang komunidad hindi lamang upang matiyak na hindi malilimutan ang sining na minana rin niya kundi dahil ipinagmamalaki niya ang kanyang kultura.


Pinagmulan: Kermit Agbas


Mungkahing Basahin: