Carlos P. Garcia
Nagpatuloy siyang pangulo nang magwagi sa pambansang eleksiyon noong 1957. Pangunahing tatak ng kaniyang administrasyon ang patakarang “Filipino Muna” (Filipino First) sa kabuhayan at ang kaniyang programa sa pagtitipid na “Austerity Program.”
Gayunman, nabatikos siya sa malimit na pangingibang-bansa, paggamit ng mamahaling yate’t eroplano, at sa mga nabulgar na nakawan sa People’s Homesite and Housing Corporation (PHHC) at Government Service Insurance System (GSIS).
Malinaw itong sanhi ng pagkatalo niya sa eleksiyong 1961.
Isinilang si Garcia noong 4 Nobyembre 1896 sa Talibon, Bohol kina Policronio Garcia at Ambrosia Polistico. Dahil sa matinding hilig mag-aral ay pumunta siya ng Cebu para sa mataas na paaralan, sa Silliman University sa Dumaguete, at sa Philippine Law School sa Maynila.
Nagturo muna siya sa mataas na paaralan sa Bohol bago pumasok sa politika. Mahilig din siyang tumula at isang kinikilalang mambibigkas sa wikang Boholano.
Naging asawa niya si Leonila Dimataga ng Cebu. Noong 1925, nagwagi siyang kinatawan sa Asamblea at humawak ng gayong tungkuling hanggang 1931.
Naging gobernador siya ng Bohol noong 1931-1940. Noong 1941 nagwagi siyang senador at nakasama sa Senado sina Claro M. Recto, Manuel Roxas, Elpidio Quirino, Jose Yulo, at Quintin Paredes.
Naggerilya siya noong panahon ng Pananakop ng mga Hapones. Noong 1946, kabílang siyá sa mga kasapi ng Partido Nacionalista na nagwaging senador. Siya ang napiling kandidatong pangalawang-pangulo at katiket ni Magsaysay sa halalang 1953. Nang manalo, naglingkod siyáng kalihim ng suliraning panlabas.
Nasa isang pulong siya sa Australia nang mamatay sa aksidente si Pangulong Magsaysay. Nagwagi siyáng pangulo sa eleksiyong 1957 ngunit natalo sa eleksiyong 1961. Hulíng aktibidad niyang politikal ang pagkandidatong delegado sa 1971 Kumbensiyong Konstitusyonal.
Nagwagi siyang kinatawan ng Bohol at nahalal pang pangulo ng kumbensiyon. Ngunit tatlong araw matapos manumpang pangulo ay inatake siyá sa puso at namatay noong 14 Hunyo 1971.
Pinagmulan: Kermit Agbas
Kahalintulad na Artikulo:
No Comment to " Carlos P. Garcia "