Gobernador o governor ang tawag sa kasalukuyang pinunong tagapagpaganap ng isang lalawigan sa Pilipinas.


Katungkulan niyang siguruhin na mayroong mahusay at epektibong pamamahala sa kaniyang nasasakupan, ipatupad ang mga ordenansa na binalangkas ng Sangguniang Panlalawigan, at pamunuan ang lahat ng programa, serbisyo, at proyekto ng panlalawigang pamahalaan.


Ang isang gobernador ay direktang halal ng mga mamamayan. Magsisilbi siya ng tatlong taon at maaaring mahalal muli ng hanggang tatlong termino.


Isa sa pinakamahalagang tungkulin ng gobernador ang pagbuo ng komprehensibong programang panggobyerno at planong pangkaunlaran para sa lalawigan. Kailangan niyang pulungin at makipagtulungan sa Panlalawigang Lupong Pangkaunlaran upang mabigyang pansin ang mga pangangailangan at kahilingan ng iba’t ibang sektor.


Ang mga programang panggobyerno ay kailangang ilahad ng gobernador sa unang pagpupulong ng Sangguniang Panlalawigan. Matapos pagtibayin ng Sanggunian ang mga panukala, responsabilidad ng gobernador na direktang pamunuan ang pagpapatupad sa mga ito.


Sa kasaysayan ng pamahalaang lokal, sinimulang tawaging gobernador ang punong panlalawigan noong panahon ng Amerikano.


Noong panahon ng Espanyol, alkalde mayor (alcalde mayor) ang tawag sa namamahala ng probinsiya. May dalawang uri ng probinsiya noon, alinsunod sa estado ng pamamahala. Ang mapayapang probinsiya ay tinatawag na alcaldia at nása ilalim ng alkálde mayor; ang magulong probinsiya ay nakapailalim sa isang pamahalaang militar.


Tinatawag noong gobernadorsílyo o munting gobernador ang pinuno ng munisipalidad. Samantala, ang buong pamahalaang kolonyal ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng gobernador-heneral na ipinadadala ng Hari ng Espanya.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: