Gobernador-Heneral Jose Basco
Hindi katulad ng mga naunang gobernador heneral, isinulong ni Basco ang pagpapaunlad ng ekonomiya ng kolonya. Sa kaniyang panunungkulan, pormal na nahiwalay ang pamamalakad ng Pilipinas sa Mexico.
Naging mahalaga ang papel ni Basco sa takbo ng ekonomiya ng bansa. Iginiit ng gobernador-heneral na hindi na nararapat na maging tagapamagitan lamang ng mga produktong mula Tsina ang daungan ng mga galeon sa Maynila bago dalhin sa Mexico. Ninais niyang magkaroon ng sariling kalakal ang Pilipinas at tumaas ang kita ng gobyernong kolonyal.
Itinatag niya noong 1781 ang Sociedad Economica de los Amigos del Pais (Kapisanang Pangkabuhayan ng mga Kaibigan ng Bansa) na nanguna sa mga gawain ukol sa produktong maaaring isulong sa Pilipinas.
Binigyan ito ng badyet na P960 santaon mula sa mga prominenteng mangangalakal ng Maynila at ginastos ito ng samahan sa mga talakayang pangkabuhayan, mga polyeto ukol sa pagtatanim ng indigo, kape, tubo, kakaw, at ibang halaman, pagpapasok ng mga bagong kasangkapang pang-agrikultura mula Estados Unidos, at pagtuturo ng mga makabagong pamamaraan sa pagsasaka.
Isang magandang resulta ang pagluluwas ng indigo patungong Europa, sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng Filipinas, noong 1784.
Maaalaala rin si Basco dahil sa pagtatatag niya ng mga monopolyo, pangunahin ang monopolyo sa tabako. Nakakuha siya ng pahintulot ng Hari ukol dito noong 1780 at naipatupad noong 1782. Kinontrol ng gobyerno ang pagtatanim, pagbili, at pagbebenta ng tabako at noong 1808 ay kumita ng P500,000. Tumaas pa nang tumaas ang tubo sa monopolyo.
Gayunman, nagkaroon ito ng kaakibat na mga korupsiyon at abuso kaya ipinatigil din ng Hari noong 1881.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Gobernador-Heneral Jose Basco "