Unang British na Gobernador ng Pilipinas


Halos isang buwan nakararaan matapos ang pag-okupa ng mga British sa Maynila, itinalaga si Dawsonne Drake sa araw na ito, Nobyembre 2, noong 1762 bilang unang British na Gobernador ng Pilipinas, na mamumuno sa kolonya ng mga British sa ating bansa sa ngalan ni Haring George III.


Sa kanyang pamumuno, nagkaroon ng dalawang pinunong namumuno sa ating bansa, bukod kay Gobernador Heneral Simon de Anda y Salazar, na lumikas kasama ang mga ibang pwersang Espanyol pahilaga.


Bilang gobernador, si Gobernador Drake rin ang nagsilbing Pangulo ng Manila Council, na mamamahala sa kolonya, kasama sina Claud Russell at Samuel Johnson.


Bilang unang patakaran sa kanyang pamumuno, nag-alok siya ng malaking pabuya sa sinumang makakahuli kina de Anda o sa sinumang mga tagasuporta ng mga Espanyol. Nabalot rin ng iskandalo ang pamumuno ni Drake dahil sa mga opisyales ng militar na hindi niya nakakasundo sa usaping kalakalan, pagdepensa sa kolonya at pagpapatupad ng ransom kina De Anda.


Bagama’t napagtagumpayan na ng mga British ang Seven Years War, nagpatuloy pa rin ang pamamalakad ni Drake sa Maynila hanggang noong ika-31 ng Mayo, 1764, nang pinabalik na siya sa Madras, India, na hudyat ng pagtatapos ng pananakop ng mga British sa kabisera ng ating bansa.


Sanggunian:
• Wikipedia (n.d.). Dawsonne Drake. https://en.m.wikipedia.org/wiki/Dawsonne_Drake


Mungkahing Basahin: