Ang simula ng panunungkulan ni Gobernador Heneral Eulogio Despujol sa Pilipinas


Nagsimula ang panunungkulan ni Gobernador Heneral Eulogio Despujol sa Pilipinas noong Nobyembre 17, 1891.


Eksaktong 130 taon na ang nakararaan, dumating sa Maynila si Eulogio Despujol para manilbihan bilang ika-109 na Gobernador-Heneral ng Pilipinas. Pinalitan ni Gobernador-Heneral Despujol ang binansagang “Butcher” ng Cuba at isa ring malupit na Gobernador-Heneral na si Valeriano Weyler.


Naging konserbatibong pinuno rin siya gaya ni Weyler pero naging isang liberal ring pinuno. Pero higit sa lahat, nakilala si Gobernador-Heneral Despujol na siyang nag-apruba ng pagpapatapon kay Dr. Jose Rizal sa Dapitan, Zamboanga del Norte sa Mindanao noong ika-17 ng Hulyo, 1892. Bago nito, makailang-ulit nang nagpadala ng sulat si Dr. Rizal kay Gobernador-Heneral Despujol para payagan ang kanyang petisyong magtayo ng pamayanang Pilipino sa Sabah, pero hindi ito napagbigyan ng Gobernador-Heneral.


Nang magtapos ang termino ni Despujol sa Pilipinas noong unang araw ng Marso, 1893 ay inilipat bilang warden sa Montjuich Castle sa Barcelona, Espanya si Despujol. Matatandaang Oktubre 1896 nang makulong si Dr. Rizal sa isa sa mga dungeon ng Montjuich, kung saan si Despujol ang kanyang naging warden.


Tubong-Barcelona, Espanya si Eulogio Dusay Despujol noong ika-11 ng Marso, 1834 at ginawaran siya ni Haring Alfonso XII ng titulong Count of Caspe bilang parangal sa kanyang naging tagumpay sa Ikatlong Digmaang Carlist. Pumanaw si Despujol noong ika-19 ng Oktubre, 1907 sa Riba-Roja de Turia, Espanya sa edad na 73.


Sanggunian:
• The Kahimyang Project (n.d.). Today in Philippine history, November 17, 1891, Eulogio Despujol becomes governor-general of the Philippines. https://kahimyang.com/kauswagan/articles/1349/today-in-philippine-history-november-17-1891-eulogio-despujol-becomes-governor-general-of-the-philippines
• Wikipedia (n.d.). Eulogio Despujol y Dusay. https://en.m.wikipedia.org/wiki/Eulogio_Despujol_y_Dusay


Mungkahing Basahin: