Itinalaga bilang Gobernador-Heneral ng Pilipinas si Luis Perez Dasmariñas noong Disyembre 3, 1593.


Maaalalang pinaslang ng mga rebeldeng Tsino si Gobernador-Heneral Gomez Perez Dasmariñas habang nakadaong ang kanyang barko sa Batangas, at habang walang ipinapadalang bagong mamumuno sa Pilipinas, itinalaga bilang pansamantalang Gobernador-Heneral ng ating bansa ang kanyang anak na si Luis Perez Dasmariñas sa araw na ito, Disyembre 3, noong 1593.


Ang pagkakatalaga rin kay Luis Perez bilang Gobernador ay ayon na rin sa liham na nakuha mula sa bangkay ng kanyang ama na nagsasaad na nais niyang maging kahalili niya ang kanyang anak.


Sa ilalim ng pamumuno ni Gobernador-Heneral Luis Perez Dasmariñas, napaganda niya muli ang Maynila at nagpatayo rin siya ng mga bahay-ampunan at tahanan para sa mga inabandonang mga matatanda. Sa kanyang rehimen rin nasakop bilang probinsya ng Pilipinas ang mga lalawigan ng Cagayan, Isabela at Nueva Vizcaya.


Ang opisyal na Espanyol na si Antonio de Morga, na kalauna’y ang magiging awtor ng unang aklat ng kasaysayan ng Pilipinas ayon sa persepsyon ng isang Espanyol, ay dumating rin sa Pilipinas at naging Lieutenant-General ni Gobernador Luis Perez Dasmariñas.


Pinamunuan rin ni Gobernador Luis Perez Dasmariñas ang mga kampanya ng pwersang Espanyol sa Mindanao at hanggang sa Cambodia, pero wala ring napatunguhan ang mga iyon. Tatlong taong pinamunuan ni Luis Perez Dasmariñas ang ating bansa bago siya pinalitan ni Francisco Tello de Guzman noong ika-14 ng Hulyo, 1596.


Nanatili pa rin siya sa Pilipinas at nanirahan sa Binondo, Maynila. At gaya ng kanyang ama, nagwakas rin sa kamay ng mga rebeldeng Tsino ang kanyang buhay sa nangyaring rebelyong Sangley noong Oktubre 1606.


Sanggunian:
• The Kahimyang Project (n.d). Today in Philippine History, December 3, 1593, Luis Perez Dasmariñas became Governor-General. https://kahimyang.com/kauswagan/articles/1381/today-in-philippine-history-december-3-1593-luis-perez-dasmari-as-became-governor-general