Ang pagpaslang kay Gobernador-Heneral Gomez Perez Dasmariñas
Pasikat pa lang ang Araw sa araw na ito noong 1593, isang pag-aalsa ng mga Tsinong tripulante ng barkong sinasakyan ng noo’y 74-anyos na Espanyol na Gobernador-Heneral ng Pilipinas na si Gomez Perez Dasmariñas ang sumiklab habang nakadaong ang kanilang barko sa may isla ng Tingloy sa Batangas.
Habang natutulog ang mga marinong Espanyol sa kanilang mga cabin, inagaw ng mga tripulanteng Tsino ang kanilang mga barko at sinimulang patayin ang lahat ng mga Espanyol sa barko, maging ang Gobernador-Heneral, na naalimpungatan sa nangyayaring komosyon sa barko.
Matapos nito, tinangay nila ang mga pinirata nilang barko para magtungong China, pero napadpad sila sa Cochin China (ngayo’y Vietnam), kung saan ninakaw naman ng namumunong hari roon ang mga kanyon at mga kayamanang karga ng mga barko.
Kumalat ang kanilang mga barko, kung saan napunta ang ilang mga barko sa Moluccas, habang napilitang bumalik ang mga Tsino sa Maynila, at binitay sila bilang ganti sa kanilang pagpatay kay Gobernador-Heneral Dasmariñas.
Isa namang naiibang kababalaghan ang nangyari sa Maynila, noong mga panahong kalat na ang balita ng pagpatay ng mga Tsino kay Gobernador-Heneral Dasmariñas. Diumano, isang hindi kilalang sundalong Espanyol na nagbabantay sa Palacio del Gobernador sa Intramuros ang biglang napadpad sa lungsod ng Mexico, matapos siyang sandaling umidlip (pinangalanang Gil Perez ang nasabing sundalo).
Laking-gulat niya kung paano siya napunta sa lugar na iyon, habang sinuspetsahan siyang inaaniban ng masamang elemento ng mga nakakita sa kanya roon sa Mexico kaya ikinulong siya. Hindi rin siya pinaniwalaan sa dala niyang balitang patay na ang Gobernador-Heneral sa Pilipinas, hanggang napatunayan ang kanyang sinasabi ilang buwan lang matapos ang insidenteng iyon.
Marami mang kumbinsidong isa iyong dokumentadong kaso ng teleportasyon, kinukwestyon ng ilang mga historyador ang awtensidad ng naturang “kababalaghan”, dahil saka lang naisulat ang tungkol kay Gil Perez, mahigit isang siglo na ang lumipas matapos ang kanyang diumanong “teleportasyon”, at itinuturing lang nila iyon bilang isang alamat.
Tatlong taong nanungkulan sa Pilipinas si Gomez Perez Dasmariñas bilang Gobernador-Heneral, mula nang itinalaga siya at dumating sa Maynila noong Hunyo 1590. Pinaigting niya ang pagtatayo ng mga depensa sa Intramuros mula sa banta ng mga pirata, at isinuspindi niya ang awtoridad ng Real Audiencia.
Nagpadala siya ng mga ekspedisyon sa hilagang Luzon para ipagpatuloy ang pag-okupa sa mga lugar sa Pilipinas na hindi na napasailalim sa Espanya, at para supilin ang mga nangyayaring pag-aalsa sa Zambales. Naging banta rin sa kanyang otoridad sa Pilipinas ang banta ng pananakop ng Japan sa pamumuno ni Toyotomi Hideyoshi, pero hindi na ito natuloy nang mamatay siya noong 1592.
Nakipagkaibigan rin ang pamahalaang kolonyal ng Espanya sa kaharian ng Cambodia para maging kaalyado laban sa kaharian ng Siam (Thailand ngayon). Isa sa kanyang huling misyon bilang Gobernador-Heneral ng Pilipinas ay ang kanyang pagtatangkang makuha ang isang kuta sa Moluccas, na hindi na natuloy dahil nga napatay siya at mga tauhan niya ng mga tripulanteng Tsino.
Pinalitan ng kanyang anak na si Luis Perez Dasmariñas ang kanyang ama sa posisyon bilang Gobernador-Heneral ng Pilipinas.
Sanggunian:
• Wikipedia (n.d.). Gomez Perez Dasmariñas. https://en.m.wikipedia.org/wiki/G%C3%B3mez_P%C3%A9rez_Dasmari%C3%B1as
• Wikipedia (n.d.). 1593 transported soldier legend. https://en.m.wikipedia.org/wiki/1593_transported_soldier_legend
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Ang pagpaslang kay Gobernador-Heneral Gomez Perez Dasmariñas "