Audiencia Real
Ang Audiencia Real (aw·dyén·sya re·ál) o Real Audiencia (Royal Audiencia sa Ingles) ay mataas na hukuman sa Espanya at mga kolonya nito.
May mga hukom itong tinatawag na oidores, literal na nangangahulugang “mga tagadinig.”
Ang unang audiencia ay itinatag sa Kaharian ng Castilia noong 1371 at sa Valladolid at dalawang siglong nagsilbing kataas-taasang hukuman.
Ang sistemang audiencia ay pinairal sa mga kolonya bagaman nagkaroon ng dagdag na tungkulin at iba’t ibang komposisyon.
Sa labas ng Espanya, nagkaroon ito ng trabahong lehislatibo at administratibo bilang kinatawan ng Hari. Iba-iba din ang bilang ng kagawad sa pana-panahon.
Sa Mexico, ang unang audiencia ay may apat na oidores, isang presidente at isang piskal, at dumidinig ng lahat ng kasong kriminal at sibil.
Pagdating ng ika-17 siglo, nagkaroon ito ng dalawang kamara para sa dalawang uri ng kaso. Ang kamarang sibil ay may walong miyembro at isang piskal.
Sa Pilipinas, ang Audiencia Real ang itinuturing na unang kataastaasang hukuman sa bansa.
Itinatag ito noong 1583 at unang presidente si Gobernador Santiago de Vera.
Bukod sa pagdinig sa mga kasong sibil at kriminal, dinidinig din nito ang ibang kasong administratibong idulog ng gobernador-heneral.
Dahil mahirap ang kolonya at kaunti pa ang populasyon, inisip na buwagin ang audiencia noong 1589. Ipinalit ang isang konseho na may 400 miyembro sa ilalim ng gobernador-heneral.
Kaagad napuna ang di-kasiya-siyang operasyon ng konseho kaya muling ibinalik ang audiencia noong 1895 kasama ng mga dating tungkulin nito.
Nagtakda din ng mga paraan upang masuri ang paglilingkod ng mga miyembro ng audiencia, lalo na ang sa presidente.
May tinatawag na residencia (re·si·dén·sya) upang siyasatin ang gobernador-heneral sa katapusan ng kaniyang panunungkulan.
Nagpapadala din ng visita ang Hari upang mag-imbestiga sa kolonya. Bahagi ng Repormang Bourbon ang pagtatalaga ng regente (re·hén·te) bilang puno ng audiencia. Sa ganitong paraan ang gobernador-heneral ay naging presidenteng pandangal lang ng hukuman.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Audiencia Real "