On
Ang pagdating ng hukbong British sa Pilipinas


Sa loob ng halos dalawang taon, naghari ang bandila ng Union Jack sa ating mga karagatan. Mula sa Madras, India, namataan sa araw na ito (Setyembre 24) noong 1762 ang malaking armada ng mga barkong British sa Look ng Maynila. Binubuo ang nasabing armada ng walong barkong pandigma, tatlong frigate at apat na store ship at mahigit 6,300 sundalo at marinong British at 500 Sepoy o sundalong Indian sa hukbong British.


Sa pangunguna ni Admiral William Draper, nagpadala siya ng mga scouts para magmasid sa mga posibleng kanilang paglapagan sa look ng Maynila, upang simulan ang kanilang pag-atake sa Maynila at Intramuros.


Noong mga panahong iyon, wala pang kaalam-alam ang pamahalang Espanyol sa Pilipinas, na noo’y pansamantalang pinamunuan ng Arsobispo ng Maynila na si Manuel Rojo, na may umiiral nang digmaan sa pagitan ng Great Britain at ng Espanya.


Nang mamataan ng mga Espanyol ang mga plotang British sa karagatan ng Maynila, nagpadala sila ng emisaryo para kausapin ang mga bagong dating na dayuhan at tanungin ang kanilang pakay sa pagdating. Sinabi naman ni Admiral Draper na dala nila ang utos mula sa kanilang Haring George III na sakupin ang kapitolyo ng pamahalang Espanyol sa Pilipinas at pasukuin ito sa ngalan ni Haring George.


Lumapag ang mahigit 6,300 British at Sepoy sa distrito ng Malate sa Maynila upang simulan ang kanilang pananakop sa Maynila. Noong araw ring iyon, matapos ang maiikling putukan, nakuha ng mga British ang Fuerza de Polverista at ang buong Malate. Pero para mahirapan ang mga British sa kanilang pag-abante pakanluran papuntang Intramuros, sinunog ng mga Espanyol ang mga kabahayan sa Malate. Hindi na nito napigilan ang mabilis na pag-atake at pag-abante ng mas malakas na British papunta sa Intramuros, na kalauna’y babagsak sa kanilang kamay sa sumunod na buwan.


Itinayo ang Intramuros upang magsilbing depensa ng pamahalaang Espanyol sa Maynila mula sa banta ng mga piratang Tsino at tangkang pananakop ng mga Portuguese at Dutch, na may mga interes na rin sa mga lupain dito sa Asya. Pero hindi inaasahan ng mga Espanyol ang napakalaki at napakalakas na armadang British sa Maynila.


Muli ay naipit ang Pilipinas sa malaking digmaang nangyayari sa Europa, nang lumawak na ang Seven Years War. Enero 1762 nang magdeklara ang Great Britain at ang Espanya ng digmaan laban sa isa’t isa nang kumampi ang Espanya sa France na kaaway ng Britanya para sa teritoryo sa hilagang Amerika. At dahil kolonya rin ang Pilipinas ng Espanya at nagtutunggalian rin ang dalawang kahariang ito para sa mga teritoryo sa Asya, inaasahan nang masasangkot at maaapektuhan ang mga kolonya ng Espanya sa Asya, kabilang na ang Pilipinas.


Sanggunian:
• Mangubat, L. (2017, September 7). Part 1: when Manila was bloody, brutal, and British. Esquire Philippines. https://www.esquiremag.ph/long-reads/notes-and-essays/the-1762-british-occupation-of-manila-part-1-a00029-20170907-lfrm2
• Presidential Museum and Library (n.d.). British conquest of Manila. http://malacanang.gov.ph/the-british-conquest-of-manila/


Mungkahing Basahin: