On
Ang Pagbagsak ng Maynila sa Hukbong British


Sa loob ng 18 buwan, naging bahagi ang ating bansa ng isang pandaigdigang imperyo, na “hindi kailanman nilulubugan ng araw”, ang British Empire. At sa araw na ito, Oktubre 6, noong 1762, bumagsak sa kamay ng mga British sa pamumuno nina Heneral William Draper at Samuel Cornish ang lungsod ng Maynila, lalo na ang Intramuros. Ito ay matapos ang matagumpay na pagbutas ng mga kanyon ng mga British sa kanang bahagi ng pader ng Intramuros noong nakaraang araw, at ang higit dalawang araw na pagkubkob ng mga hukbong British at Sepoy sa mga pader ng Intramuros.


Kinaumagahan, muling pinaputukan ng mga kanyon ng British ang mga depensa ng mga Espanyol sa loob ng Intramuros, habamg bumuhos sa loob ng ang libu-libong mga sundalong British at ang ilang mga Sepoy o sundalong Indian sa hukbong British. Ipinagtanggol ng mga Espanyol sa huling pagkakataon ang mga natitirang depensa sa loob ng lungsod, pero ‘di na nila nakayanan ang napakalakas na pwersa ng mga kalaban. Umabot sa 150 ang nalagas sa mga British, habang 400 Espanyol at mga katutubo nilang kaalyado ang nasawi sa huling pagkubkob sa Intramuros.


Sa kanilang paglusob, matinding karahasan ang inihasik ng mga bagong mananakop sa Intramuros, lalo na sa mga walang kalaban-labang mga sibilyan. Ayon sa ulat ng noo’y pansamantalang gobernador heneral ng Pilipinas na si Arsobispo ng Maynila Manuel Rojo, dumanak ang dugo ng mga sibilyang walang-awang pinagpapatay ng mga British, at pinagnakawan din nila ang mga tanggapan ng pamahalaan at ang mga simbahan, nilimas ang mga relikya at pera ng simbahan, at hindi rin pinatawad ang mga libingan nina Miguel Lopez de Legazpi at Juan de Salcedo. Ilan sa mga nalimas ng mga British sa kanilang pagpasok sa Intramuros ay naka-display sa British Museum sa London.


Tumagal nang halos 40 oras ang pandarambong at pagpatay ng mga sundalong British sa Intramuros, na itinuturing sa kasaysayan ng ating bansa na unang “Rape” of Manila, halos dalawang siglo bago ang aktwal na Rape of Manila noong 1945.


Upang matigil na sila, kusa nang isinuko ni Arsobispo Rojo kina Heneral Draper at Cornish ang buong Maynila, hudyat ng ganap na pagbagsak ng buong lungsod sa mga bagong mananakop. Ang noo’y Oidor ng Real Audiencia na si Simon de Anda y Salazar ay tumakas pahilaga upang muling magpalakas ng pwersa. Sa mga sumunod na araw, nakuha ng mga British ang mga mahahalagang daungan ng Cavite, habang sumulong pahilaga ang mga British hanggang Pampanga upang tugisin sina Gobernador de Anda.


Sa pagsakop ng mga British sa Maynila, nakita ng mga Pilipino na may kahinaan din pala ang mga Espanyol. Ito ang ginamit na oportunidad ng mga rebolusyonaryo sa lalawigan ng Ilocos na sina Diego at Gabriela Silang upang humingi ng tulong sa mga British na palayasin ang mga Espanyol sa kanilang lalawigan.


Sumiklab rin ang pag-aalsa sa lalawigan ng Pangasinan sa pamumuno ni Juan de la Cruz Palaris laban sa mapang-abusong pamahalaang Espanyol noong Nobyembre sa parehong taon. Ang pagbagsak ng Maynila sa mga British ay bahagi lamang ng mas malawak na labanang nangyayari sa Europa, noong panahon ng Seven Years War, kung saan naging magkaaway na bansa ang Espanya at Great Britain. Tumagal hanggang noong Pebrero 1763 ang digmaan sa pagitan ng dalawang bansang iyon sa bisa ng Kasunduan sa Paris, pero nagpatuloy ang pag-okupa ng Britanya sa Maynila at Cavite hanggang noong Mayo 1764.


Sanggunian:
• FilipiKnow (2019, February 27). The first “rape of Manila” that history forgot. https://filipiknow.net/british-occupation-of-manila-1762/
• Malacañan Palace Presidential Museum and Library (n.d.). British conquest of Manila. http://malacanang.gov.ph/the-british-conquest-of-manila/