Juan de la Cruz Palaris
Sino si Juan de la Cruz Palaris?
Si Juan de la Cruz Palaris (Hu·wán de la Krus Pa·la·rís), na lalong kilala bilang Palarís, ay pinunò ng isang pag-aalsa laban sa mga Espanyol sa Pangasinan noong ika-18 siglo.
Isinilang siyá noong 8 Enero 1733 sa Binalatongan (ngayon ay San Carlos), Pangasinan kina Santiago de la Cruz, isang cabeza de barangay, at Catalina Ugay. Kabilang sa principalia, o mariwasang uri, ng Binalatongan ang pamilya ni Palaris. Nag-aral siyá sa sinilangang bayan at naulila noong batà pa. Pagkatapos mag-aral, nagtungo si Palaris sa Maynila at nagtrabaho sa Espanyol na may mataas na katungkulan, si Francisco Enriquez de Villacorta na kasapi ng Audiencia Real. Pagkaraan ng pananakop ng mga Ingles sa Maynila, inilipat ang kabisera ng pamahalaang Espanyol sa Bacolor, Pampanga, na karatig ng Pangasinan. Sa panahong ito, nagsisimula nang magprotesta ang mga taga-Binalatongan sa mga pang-aabuso ng kanilang gobernador ng lalawigan. Nang hindi silá nakakuha ng tulong mula kay Gobernador-Heneral Simon de Anda, sumiklab ang pag-aalsa noong 1762. Isa si Palaris sa lumutang na pinunò ng mga nag-aalsa, kasáma sina Colet de la Cruz (kaniyang kapatid), Andres Lopez, at Juan de Vera Oncantin.
Bago matapos ang taon, halos lahat ng opisyal ng pamahalaang Espanyol ay umalis na ng Pangasinan dahil kinailangan nilang kaharapin ang mga mananakop na Ingles, pati ang kasabay na pag-aalsa ni Diego Silang sa lalawigan ng Ilocos, sa hilaga ng Pangasinan. Noong 1 Marso 1763, dinaig ng hukbo ni Palaris ang Espanyol na si Alfonso de Arayat at mga kawal niyang Espanyol at Filipino sa Labanang Ilog Agno. Nabawi ng mga taga Pangasinan ang kanilang kasarinlan at namahala silá sa lupain hanggang sa Ilog Agno, na siyang likás na hanggahan ang Pangasinan at karatig na Pampanga sa timog (ang Tarlac ay bahagi pa noon ng Pampanga). Sa rurok ng pag-aalsa, pinamumunuan ni Palaris ang umaabot sa 10,000 kawal, at may mga pag-uusap din silá ni Silang para sa isang mas malaking opensiba laban sa mga Espanyol.
Pagkaraang malagdaan ang tratado ng kapayapaan ng Espanya at ng Inglaterra, unti-unting nakabangon ang hukbong Espanyol. Noong Mayo 1763, pataksil na pinaslang si Silang. Noong Setyembre, dumating ang balita ng tratado sa Pangasinan, at marami sa mga tauhan ni Palaris ang sumuko at bumalik sa dating pamumuhay. Sinimulan ng mga Espanyol ang pagbawi ng lupa kay Palaris. Noong Disyembre, bilang bahagi ng depensa sa Labanang Mabalitec, inutos ni Palaris ang pagsunog sa Binalatongan upang hindi magamit na kanlungan ng mga Espanyol. Ngunit nadaig ang mga Filipino sa laban. Itinayông muli ang Binalatongan ng mga Espanyol sa ibang pook at pinangalanang San Carlos.
Natalo sina Palaris sa kanilang hulíng malaking laban sa San Jacinto, at nadakip ang kaniyang mga katuwang na sina Andres Lopez at Juan de Vera Oncantin. Bago ang Marso 1764, halos lahat ng Pangasinan ay nahulog na sa kalaban, at wala nang takas si Palaris kundi sa paglalayag sa Golpong Lingayen. Pinilì niyang magtago kasáma ang mga tagasuporta. Sa kasamaang palad, isinuplong siyá ng kapatid na si Simeona sa gobernadorsilyo ng Binalatongan. Dinakip si Palaris noong Enero 1765 at nilitis sa kabisera sa Lingayen. Umamin siyá sa pagiging pinunò ng pag-aalsa, at binitay noong 26 Pebrero 1765.
Pinagmulan: NCCA Official via Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Juan de la Cruz Palaris "