Ang Ilog Agno ang isa sa pinakamalaking ilog sa Pilipinas, at ikatlong pinakamalawak na sistemang ilog sa isla ng Luzon pagkatapos ng mga ilog Cagayan at Pampanga.


Matatagpuan ang ilog at mga sangay nito sa tatlong rehiyon: Cordillera Administrative Region, Gitnang Luzon, at Ilocos. Ilan sa mga sangay nito ang Ambayoan, Camiling, Pila, at Tarlac.


Ang Ilog Agno ay may habang 206 km. Nagsisimula ito sa Bundok Data sa kabundukan ng Cordillera, at umaagos patimog. Dumadaan ito sa mga bundok at bangin sa isang makipot na agos bago lumihis pakanluran at lumawak sa Kapatagang Pangasinan. Magkikita ang landas ng Agno at pangunahing sangay nito, ang Ilog Tarlac, sa Latiang Poponto malapit sa bayan ng Bayambang. Pagkaraan dito, dumadaloy ang Agno pahilagangkanluran bago bumuhos sa Golpong Lingayen.


Tuwing panahon ng tag-ulan, nagdudulot ng pagbaha ang Ilog Agno lalo sa mga mabababang bayan sa Kapatagang Pangasinan. Isa ito sa mga naging dahilan ng pagtatayo ng Dikeng Ambuklao sa Bokod, Benguet. Ginagamit din ang dike upang makalikha ng koryente at bĂ­lang irigasyon para sa mga sakahan sa Pangasinan.


Pagkagawa noong dekada 50, ang Dikeng Ambuklao ang pinakamataas at pinakamalaki sa buong Silangang Asia. Matatagpuan din sa Ilog Agno ang Dikeng Binga sa Itogon, Benguet at Dikeng San Roque sa San Manuel, Pangasinan.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: