Ang cabeza de barangay (kabésa de ba·ra·ngáy) ang pinuno ng baryo noong panahon ng Espanyol na humalili sa mga pinunong datu at katumbas ngayon ng posisyong kapitan ng barangay.


Ang pinunòng ito ay maaari lamang magmula sa mga prinsipalya o mag-anak ng mga datu at mayayamang pamilyang mestisong Tsino at Espanyol.


Ang mga cabeza de barangay ang pangunahing tagapamahala sa mga nayon, tagakolekta ng mga buwis at tributo, at tagatipon ng mga polista o trabahador mula sa mga karaniwang tao para sa pamahalaang Espanyol. Siya rin ang tanging nakalalahok sa paghalal ng gobernadorsilyo o pinuno ng bayan noong siglo 19.


Bilang kapalit sa kaniyang katapatan at paninilbihan sa pamahalaang Espanyol, binibigyan ang cabeza de barangay ng mga pribilehiyo gaya ng paggamit ng titulong “Don,” ang hindi pagbabayad ng tributo o buwis ng kaniyang pamilya, at ang pagiging malaya niya at ng kaniyang mga anak na lalaki sa sapilitang paggawa o polo y servicio.


Ang termino ng isang cabeza de barangay ay hindi bababa sa tatlong taon ngunit maaari niyang matamasa nang panghabambuhay ang mga nasabing pribilehiyo kung siyá ay makapagsisilbi sa pamahalaang Espanyol nang hindi bababa sa sampung taon.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr