Ang datu ang pinuno ng isang balangay na binubuo ng 50 o higit pang tagasunod. Siya din ang pangalawa sa sultan sa pagkapinuno. Ginagamit ang titulong ito sa sinaunang lipunan ng Pilipinas.


Sa lipunang Bisaya tulad ng Panay, Cebu, at Leyte, ang datu o raha ang nasa pinakamataas na antas ng nasasakop na lipunan.


Ang mga datu ay nirerespeto, sinusunod, at tinutulungan ng mga timawa at oripun o alipin. Upang mapanatili ang kadalisayan ng angkan, ang mga datu ay nag-aasawa ng mga anak ng datu mula sa ibang barangay.


Tinatawag na “Potli nga Datu” o “Lubus nga Datu” ang datu na puro ang lahi habang “Uray” naman ang babaeng mula sa dakilang angkan.


Naging mahalaga ang mga datu sa pananakop ng mga Espanyol sa Filipinas at gayundin, sa paghadlang sa kanila. Sa simula pa lamang, nakipagkaibigan si Raha Kulambo kay Ferdinand Magellan; nakipagkaibigan din si Raha Humabon kay Magellan at pumayag siyang binyagan bilang Kristiyano; nakipagsandugo si Sikatuna kay Miguel Lopez de Legaspi; ngunit pinatay naman ni Lapu-Lapu, na isang datu, si Magellan.


Sa lipunang Muslim, itinatalaga ng Koran ang Sultan bilang pinakamataas na antas sa lipunan at sinusundan ng mga datu. Sa pamamagitan ng Agamat at Maratabat, pinananatili ng datu ang kaayusan sa nasasakupan at gayundin, ang relasyon ng nasasakupan sa ibang komunidad.


Naging mahalaga ang mga datu sa pagpigil sa puwersang Espanyol na sakupin at gawing Kristiyano ang Mindanao. Hanggang ngayon, mahalaga pa rin ang mga datu sa pangangasiwa at pamamahala ng lipunang Muslim at Lumad. Patuloy ang mga datu ng pangkating Lumad sa pagtatanggol sa kanilang lupain at kagubatan laban sa mga ilegal na mangangahoy at mangangaso; tumutulong sa mga rebelde o naging rebelde naman ang ilan sa pagtatanggol ng kanilang lahi at lupain.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr