Isang salitang Arabe ang maratabat at “paggalang” ang ibig sabihin.


Sa mga Filipinong Muslim, lalo na sa mga Maranaw at Tausug, katumbas ito pag-iingat sa dangál at mataas na pagpapahalaga sa sarili.


May varyant itong malatabat at maatabat sa Magindanaw. Malimit itong maipagmalî ng mga di-Muslim sa rído o pagpapatayan dahil sa higantihan. Totoo na nauuwi sa marami nang pagkakataón ang maratabát sa rído ngunit hindi dahil kailangan ang rído para mapairal ang maratabát.


Ang maratabat ay isang kodigong moral na gumagabay sa tao kung paano niya dapat tingnan ang sarili, ang kaniyang pamilya, at iba pang tao sa komunidad.


Kapag sinunod niya ang tuntuning moral ay maaari niyang asahan na sundin din ito ng iba para sa kaniya. Ngunit kung hindi niya iginálang ang tuntunin ay wala siyáng karapatang manghingi ng paggálang sa iba.


Nagiging batayan ito ng mabisàng pamamalakad sa lipunan at ng katumpakan sa bawat kilos ng tao. Kung hindi mabuti ang pamamalakad ng datu, hindi niya maaasahan ang pagsunod sa kaniya ng sambayanan. Kung hindi iginagálang ng ama ang kaniyang mga tigulang nang anak ay hindi kailangang igálang siyá ng mga ito.


May kaugnay din itong konsepto ng tindég o pangangalaga sa wastong posisyon sa lipunan. Sa gayon, may inaasahang pagpapahalaga ang prinsesa mula sa karaniwang tao. Mahigpit din itong kaugnay ng hiyâ. Kapag napahiyâ o hindi nasunod ang tindég, kailangang kumilos ang napahiyâ upang ibangon ang dangal. Ito ang pinagmumulan ng rído.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: