Ang sandugo ay isang ritwal ng mga sinaunang Filipino na tanda ng kapatiran at pagkakaibigan.


Karaniwan itong ginagawa ng mga pinuno ng dalawang pangkat na nagkakasundo. Ang magkabilang panig sa nasabing seremoniya, ang magkasandugo, ay umiinom ng ilang patak ng dugo ng isa’t isa na nakahalo sa alak.


Sa kasaysayan ng Filipinas, ang pinakakilalang naitalang pagsasandugo ay ginanap nina Miguel Lopez de Legazpi at Rajah Sikatuna ng Bohol noong 1565.


Ang nagsasandugo ay nagmimistulang magkapatid at, kung gayon, nangangako silang tutulungan at ipagtatanggol ang isa’t isa hanggang kamatayan.


Bilang patunay ng kanilang kapatiran, mayroong mga magkasandugo na nagbibigay sa isa’t isa ng katawagan. Maaari rin silang maghati o magpalitan ng mga bagay tulad ng damit at maging ng kasintahan.


Sa mga pagkakataong malayo sila sa isa’t isa, maaari silang mangako na hindi sila titikim ng isang partikular na inumin o pagkain hanggang sa sila ay magkitang muli.


Ang pagpasok sa isang sandugo ay nakatutulong sa pagtigil o pag-iwas sa mga away at sa pagkakaroon ng kapayapaan.


Ang kahalagahan ng sandugo ay mababatid sa karanasan ng mga Espanyol na nag-umpisang dumating sa Pilipinas noong siglo 16. Marami sa kanilang mga pinuno, simula pa kay Magellan, ay nakipagkasundo sa iba’t ibang datu, lalo na sa mga pamayanan sa Bisayas.


Tinawag itong pacto de sangre sa Espanyol.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: