Kudarat
Ipinanganak siya noong huling dekada ng ika-16 siglo at anak ni Datu Buisan, na isang Iranun, at ni Ambang. Naging sultan siya ng Magindanaw nang mamatay ang ama at hinawakan ang posisyong ito mula 1619 hanggang 1671. Sa kaniyang pamumuno, nakalikha siya ng pagkakaisa sa mga pangkating nakatira sa Lanao, Cotabato, Davao, at Zamboanga kaya matagumpay na napigil ang pagtatangka ng mga Espanyol na palaganapin ang Kristiyanismo sa naturang mga pook. Sinikap din niyang makipagkaibigan sa mga Olandes sa Ternate upang ipansangga sa mga Espanyol.
Noong 1637, isang malaking kampanya ang inilunsad upang gapiin siya at pinamunuan mismo ng Gobernador-Heneral Sebastian Hurtado de Corcuera. Noong 13 Marso 1637, nilusob ni Corcuera ang Lamitan, itinuturing na kapitolyo noon ni Qudarat, at winasak ang mga kuta at sasakyang-dagat doon.
Noong 16 Marso sinimulan ang salakay sa Ilihan na pinagkukutaan ni Kudarat at 2,000 tauhan. Sa ikalawang araw ng malaking labanan, nasakop ng mga Espanyol ang kuta ni Kudarat ngunit hindi siya nadakip. Ang pangyayaring ito ay naging paksa ng bantog na komedya na itinanghal sa Maynila bilang parangal kay Corcuera.
Ngunit nagpagaling si Kudarat at naghintay ng pagkakataong makaganti. Nagtatag siya ng bagong kuta at tumipon ng mga bagong kapanalig samantalang gumagawa ng mga pagsalakay sa mga himpilan at pook Kristiyano. Muli siyang sinalakay ng mga Espanyol ngunit umatras lamang siya sa kabundukan.
Sa loob ng mahabang panahon ay hindi siya napasuko ng mga mananakop. Ayon kay Cesar Adib Majul (1973), nasa tugatog ang kapangyarihan ng sultanatong Magindanaw sa panahon ni Kudarat, ang kauna-unahang nagpatawag sa sarili na “sultan,” at ang kaniyang kamatayan noong 1571 ay naging senyas ng unti-unting paghina at pagkahati ng sultanato.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Kudarat "