Hadji Butu
Isinilang noong 1865 sa Jolo Sulu, siya ay apo ni Mantari Asip, isang ministro ni Raha Baguinda. Noong edad anim na taon pa lamang, nag-aral na siya ng Koran at wikang Arabe.
Noong edad 12, ipinatawag siya ni Gob. Carlos Martinet ng pamahalaang Espanyol ng Filipinas upang gumawa ng balangkas ng gagawing kasunduan para sa pamahalaang Espanyol at mga Sultan ng Mindanao. Noong edad 16, naatasan siya bilang Punong Ministro ni Sultan Badarudin. Sa edad na 19, siya ang naging isa sa mga tagapayo at sumama kay Badarudin na maglakbay sa Mecca.
Nang mamatay si Badarudin, siya ang nakipag-usap sa mga pinuno at mga datu sa Sulu upang hiranging kasunod na sultan si Jamal ul-Kiram na kapatid ng naturang sultan. Nang mamuno si Kiram, naging Punong Ministro at Kalihim ng Digmaan ng sultanato si Butu.
Ninais ng mga Espanyol sa Maynila na papuntahin doon sina Kiram at Butu, ngunit tumanggi ang dalawa. Si Datu Haron ang siyang isinama sa Maynila, at nang magbalik ay idineklarang sultan ng mga Espanyol. Nagsimula noon ang digmaan ng dalawang sultan. Ang tahanan ni Kiram sa Maimbung ay sinunog at si Butu ay napilitang magtago sa kabundukan ng Talipao.
Hinanap ng mga Espanyol si Butu sa kabundukan para kausaping maging tagahikayat sa mga tao na sumunod sa kanila. Inalok siya ni Sultan Haron ng posisyon bilang Punung Ministro. Tinanggap naman ito ni Butu sa kondisyon na ibigay at respetuhin ng sultan ang kaniyang mga kahilingan na aayon sa kanilang relihiyong Islam, at itigil ang pakikidigma ng sultan kay Kiram.
Nang bumisita si Gob. Hen. Blanco sa Jolo, ipinagkaloob niya ang kahilingan ni Butu. Nangako naman si Butu na kaniyang hihimukin si Kiram at ang iba pang datu na kilalanin ang pamumuno ni Haron.
Ngunit noong Mayo 1899, sa pagpapalit ng mananakop ng bansa, nasakop na din ng mga Amerikano ang Sulu at naging sultan noon si Siasi. Kasama si Butu nang lagdaan ang Treaty of Bates, na isang pagkilala ng mga Muslim sa mga Amerikano bilang bagong mananakop.
Ngunit naging magulo sa Sulu at si Butu ang kalimitang namamagitan at umaawat sa kaniyang mga kababayan. Binigyan siya ng mga Amerikano ng puwesto sa pamahalaan: naging gobernador ng Moro Province noong 1904, deputy district governor ng Sulu noong 1913, assistant ng provincial governor ng Sulu noong 1915, at senador sa ika-12 distrito na kumakatawan sa Mindanao at Sulu noong 1916.
Namatay siya sa sakit sa bato noong 22 Pebrero 1938 sa Jolo, isang taon matapos siyang hirangin ni Pangulong Quezon na komisyoner sa Institute of National Language.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Hadji Butu "