Isang kontrobersiyal na manunulat, peryodista, at politiko ang dating senador na si Vicente Yap Sotto (Vi∙cén∙te Yap Só∙to).


Tinagurian siyang “Ama ng Wika at Panitikang Sebwano.” Naging makulay ang karera niya bilang peryodista’t politiko dahil sa kaniyang paninindigan para sa Himagsikang Filipino at laban sa pananakop ng mga Amerikano.


Isinilang siya sa Cebu noong 18 Abril 1877 at anak nina Marcelino Sotto at Pascuala Yap. Nag-aaral pa lamang siya nang komersiyo sa Unibersidad ng Santo Tomas nang sumiklab ang Himagsikang 1896 at kailangang umuwi siya sa Cebu. Nang makapasa siya sa bar noong 1907 ay naharap na siya sa maraming usaping politikal.


La Justicia ang unang peryodiko niyang itinatag noong 1899 at ipinasara ng mga Amerikano dahil sa pagpanig sa Republikang Malolos. Itinayo niya noon din ang El Nacional na ipinasara din at ipiniit pa siya sa Fort San Pedro.


Noong 1901, itinatag niya ang Ang Suga, ang unang diyaryong Sebwano sa Kabisayaan. Noong 1903, nanalo siyang presidente ng Cebu sa kabila ng pangyayaring abala siya sa kasong kidnapping sa Maynila.


Bago matapos ang taon, napilitan siyang manirahan sa Hong Kong. Itinayo niya doon noong 1911 ang bilingguwal na The Philippine Republic. Umuwi si Sotto noong 1914, dinakip ngunit binigyan ng pardon ni Gobernador F.B. Harrison.


Noong 1934 nagwagi siyang delegado sa Kumbensiyong Konstitusyonal. Noong 1946, nagwagi siyang senador at pinangunahan niya ang pagsusulong ng “Press Freedom Law,” na kilalá rin bilang “Sotto Law,” na naging Batas ng Republika Bilang 53 noong 1946.


Ang kaniyang daglîng “Maming” na nalathala sa unang isyu ng Ang Suga (16 Hunyo 1901) ang itinuturing na unang maikling kuwento sa wikang Sebwano.


Sinulat din niya ang itinuturing na unang kontemporaneong dula sa wikang Cebuano, Ang Paghigugma sa Yutang Natawhan (Ang Pag-ibig sa Tinubuang Bayan), na itinanghal sa Teatro Junquera sa Cebu noong 1 Enero 1902.


Katuwang ang manunulat na si Juan Villagonzalo at lingguwistang Amerikanong si Carlos Everett Conant, inilimbag ni Sotto ang isang diksiyonaryong Cebuano-Ingles na naglalaman ng 5,500 salita.


Ang iba niyang katha ay tinipon sa Mga Sugilanong Pilipinhon (Mga Kuwentong Filipino) noong 1929. Namatay siya noong 28 Mayo 1950.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: