Tomas Confesor
Si Tomas Confesor ay politiko, mambabatas, lider ng mga gerilya, at patriyota. Nagsulong siya ng mga batas para sa mga magsasaka at naging mahalagang tinig laban sa nagaganap na anomalya sa pamahalaan. Ipinagtanggol niya ang Iloilo sa pananakop ng mga Hapon.
Isinilang siya 2 Marso 1891 sa Cabatuan, Iloilo kina Julian Confesor at Prospera Valenzuela. Nag-aral siya sa Iloilo High School noong 1908. Nagpunta siya sa Estados Unidos at namasukan bilang janitor upang matustusan ang sarili para sa kolehiyo. Nakatapos siya ng mga batsilyer sa Komersiyo sa University of California at Pilosopiya ng Ekonomiya sa University of Chicago.
Nang magbalik sa bansa, itinalaga siya ng mga awtoridad na Amerikano bilang school supervisor sa Jaro, Iloilo. Noong 1922 naging kinatawan siya ng ikatlong distrito ng Iloilo sa Philippine Assembly. Kilala siya sa kaniyang pagpuna sa nagaganap na anomalya sa administrasyon. Dahil dito, nakuha niya ang tiwala ng mga Ilonggo at muling nahalal sa puwesto. Bilang mambabatas, naging isponsor siya ng Act 3425 o ang Cooperatives Marketing Law na naglalayong payabungin ang kooperatiba sa Filipinas, partikular ang kooperatiba ng mga magsasaka.
Noong 1933, itinalaga siya ni Gob. Hen. Theodore Roosevelt Jr bilang unang Filipino na direktor ng komersiyo. Sa administrasyon ni Presidente Manuel Quezon, ginawa siyang pinuno ng National Cooperatives Administration. Pinasimulan niya ang pagbuo ng mga grupong tutulong sa pinansiya ng mga magsasaka upang hindi umasa ang mga ito sa mapagmalabis na mga negosyante at usurero.
Nasa ikalawang termino siya bilang gobernador ng Iloilo nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Hinikayat siyang magsilbi sa gobyernong papet ngunit tinanggihan niya ito. Umalis siya sa Maynila at bumalik sa kaniyang bayan. Bumuo siya ng isang lihim na kilusan laban sa mga Hapon at naging lider ng mga gerilya.
Pinarangalan siya ni Presidente Sergio OsmeƱa ng legion of honor, degree of commander noong 1945 dahil sa kaniyang kabayanihan noong digmaan. Nang maibalik ang kaayusan sa bansa, ginawa siyang Kalihim Panloob noong 8 Abril 1945. Nahalal din siya bilang senador noong 1946. Sa kasamaang palad, hindi niya natapos ang kaniyang termino dahil sa atake sa puso noong 6 Hunyo 1951.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Tomas Confesor "